TISSUE
" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"
Sabado, Abril 2, 2011
Ako si Shaider (pulis pangkalawakan)
Noong bata pa ako ay pangarap kong maging isang superhero. Ngayong malaki na ako, hindi pa rin nawawala sa akin ang pangarap na ito.
Ayokong maging katulad nina Batman at Superman na naka-leggings at nakalabas ang brip sa kanilang costume. Baduy sila para sa akin. Ang gusto ay maging isa sa mga metal heroes ng Japan. Hanggang ngayon ay hinihintay ko pa rin na i-recruit ako unexpectedly ng Galactic Union Patrol at gawing isa sa mga pulis pangkalawakan o "space sheriffs".
Una kong napanood ang (UCHUU KEIJI) SHAIDER sa IBC13 bandang late 90's noong medyo maganda pa ang programming nila. Early 95's naman nang malipat ito sa ABS-CBN at ipinalabas tuwing Sabado ng hapon. Ayon kay pareng Wiki, nagkaroon ito ng 49 episodes na ipinalabas sa Japan mula March 2, 1984 hanggang March 1, 1985. Akalain mo yun, mahigit dalawang dekada na ang nakakaraan pero sariwa pa rin ang aking mga alalaa sa teevee series na ito. Puno ng childhood memories. Sigurado ako, ikaw rin.
Opening theme pa lang, enjoy na kami sa panonood nila utol at mga pinsan. Kapag narining na ang "Code Name....Shayda!!", bigla nang papasok ang malufet nitong soundtrack. Noong una ay hinayaan itong Japanese version pero 'di nagtagal ay nagkaroon na rin ng Tagalog. Wala kaming pakiaalam sa ginagawa ni ALEXIS (ang pangalan ng bida kapag hindi pa siya nakakapag-transform) dahil ang hinihintay naming lahat ay ang pagtalon ng kanyang sidekick na si ANNIE. Lights, camera....panty!!
Ang plot ng palabas na ito ay tumatakbo sa pagtatanggol ni Shaider (ginanapan ni HIROSHI TSUBURAYA) sa ating daigdig laban sa puwersa ng kasamaan ni FUUMA LEY-AR. Ang totoo, si Alexis ay ang apo sa patay na kuko ng pinakaunang Shaider na pumutol ng ulo ni Fuuma 12,000 taon na ang nakakalipas.
Kung isa kang die-hard fan nito, mapapansin mo na may kakaibang istilo ang lider ng kampon ng kadiliman dito - hindi siya basta-basta umaatake sa pamamagitan ng pagsira ng mga gusali, pagpapasabog ng missiles, at kung anu-ano pang destructive moves para masakop ang planetang earth. Ang ginagawa niya ay inuuna niyang kontrolin ang mga tao sa pamamagitan ng pag-atake sa kanilang psyche. Ang pinakamadalas na ginagawa niya ay ang pag-hypnotize sa mga kawawang nilalang! Isa sa mga paborito kong episodes ay 'yung hinihikayat ng pangkat ni Fuuma na maging hayop ang mga bata para hindi na sila mag-aral o gumawa ng mga gawaing-bahay. Napanood mo rin ba 'yung episode na may kupidong nakakatakot ang itsura tapos kumakanta sila ng "FUSHIGI SONG" habang nagmamartsa para ma-hypnotize ang mga bata? Eh 'yung episode na kain ng kain yung mga na-hypnotize hanggang sa parang maging isang cocoon na sila? Hanep ang strategem, 'di ba?
Tanda niyo pa ba kung sinu-sino ang mga kontrabida bukod kay Dakilang Fuuma Ley-Ar?
Unahinn natin si IDA. Taena, ano ba ang kasarian niya? Hindi ko alam kung ano siya dahil lalaki ang boses pero pang-bebot ang kanyang fashion. Gumagamit yata siya ng glutathione dahil ang puti-puti ng mukha niya. Pero huwag ka, kahit na mukhang backlash ang itsura niya ay mataas ang katungkulan niya sa kanilang grupo. Siya lang naman ang apo ni Ley-Ar. Siya ang kanang kamay kaya siya na rin ang nagunguna sa mga ritwal na ginagawa kapag nangingitlog ang lolo (take note, lalaki si Fuuma pero nakakagawa ng egg!) niya para makagawa ng isang halimaw. Sa kanya rin nanggagaling ang magic words na "Time space warp...ngayon din!". Ang taray niya 'di ba? May tsismis na sa totoong buhay, ang taong gumanap para sa character na ito ay nag-audition para sa role ni Alexis ngunit 'di siya natanggap dahil sa kapayatan. Ano kaya ang nangyari kung siya ang napili?
Si DRIGO naman ay ang kabaligtaran ni Ida sa lahat. Kung ang apo ay laging nasa tabi ng lolo, ibahin mo ang kontrabidang ito dahil lagi siyang nasa site para pabagsakin si Shaider. Nakakatakot ang itsura niya at bruskong-brusko kung kumilos.
Napanood niyo ba 'yung episode na nagkaroon ng formation ang mga AMAZONAS? Para silang Bioman dahil isa-isa pa silang nagpakilala bago makipaglaban! Sino ba naman ang makakalimot sa puta looks ni Amazonang Itim?
Ang FUUMA ARMY naman ay 'yung mga walang silbing alagad ni Ley-Ar na ang daling mamatay sa lahat ng labanan. Kahit isang panty kick lang ni Annie ay patay na kaagad sila! Ang medyo nakikita kong importansya nila sa grupo ay ang pagsayaw nila sa Fushigi Song kapag nangingitlog si Ley-Ar.
Balik tayo sa mga bidang sina Shaider at Annie. Nataandaan mo pa ba ang mga arsenal nila sa pakikipaglaban?
BATTLE TANK ang madalas nilang gamitin kapag may mga digging requirements habang ang SKY STRIKER naman ang ginagamit kapag nakikipaglaban sa mga space ships na may gulong ng mga kaaway. Dati ay pinangarap kong magkaroon ng BLUE HAWK, ang motorsiklo ni Shaider na madalas niyang gamitin kapag sinambit na ni Ida ang kanyang famous line. Ang BABYLOS naman ay ang space ship na nagsisilbing headquarters nila. Ito rin ang nagbibigay kay Alexis ng Blue Plasma Energy para mag-transform into Shaider. Ang space ship na ito ay may dalawang formations kapag nakikipaglaban. Ang una ay ang "Shooting Formation" kung saan ito ay nagiging isang malaking baril. Ito ang madalas na gamitin kapag lumalabas na ang pekeng ulo ni Ley-Ar. Nagkaroon dati ng laruan nito at madalas naming inaabangan nila utol sa "Uncle Bob's Lucky Seven Club" ang pakontes para manalo nito. Ang pangalawa naman ay nagiging robot kapag ito ay nasa "Battle Formation". Mukhang tae ang itsura nito kaya hindi ito gaanong ginagamit ni Shaider. Tsaka wala rin namang alam itong gawin kundi saluhin at ibato pabalik ang dalawang missiles na galing kay Ley-Ar!
Bukod sa arsenal ay may mga sariling kagamitan ang ating mga bida. May malufet na espada ni Shaider, ang LASER BLADE habang si Annie naman ay may sariling LASER BLASTER.
Hindi corny ang tag-team nina Annie at Alexis dahil walang love story na namagitan sa kanila. Walang mga lecheserye scenes ang naisingit para maging baduy ang adventure.
Ang isa sa mga pinakanaaalala ko rin sa Tagalog version ng palabas na ito ay ang pagkakaroon ng voice-over kapag may mga major scenes. Halimbawa ay kapag nag-transform na si Alexis into Shaider. Ipapaliwanang ng narrator kung saan nanggagaling kanyang kasuotan. Kapag sinabi na ni Ida ang "Time Space Warp" ay ipapaliwanag naman na mas malakas ang mga halimaw ni Ley-Ar sa dimensyong iyon ng ten times. Memorize ko lahat 'yun dati pero sa paglipas ng panahon at pagkain ng maraming pork ay unti-unti ko na itong nakalimutan.
Sa sobrang sikat ng palabas ay nagkaroon ito ng pelikula. Noong ipinalabas ito sa Pinas, walang batang hindi nanood. Hindi ka kasi "in" kung hindi ka pinayagan ng mga magulang mong makita ang idol mo sa big screen. Talagang pipilitin mong umiyak at humagulgol sa ermats at erpats mo para lang makapanood kaysa naman kantsawan ng tropa. Sa pagkakaalala ko ay 3-in-1 ang movie dahil kasama rin ang Bioman at Maskman sa palabas.
Walang ending ang Shaider sa Pilipinas. Actually, hindi ko naaalalang ipinalabas ang ending nito sa atin. Sa Youtube at pirated DVD Collection ko lang napanood ang katapusan nito. Pero kahit na paulit-ulit itong ipinapalabas dati ay hindi ako nagsasawa. Hanggang ngayon ay enjoy pa rin ako kapag napapanood ang mga labanan.
Sa totoong buhay, ang ending ni Shaider ay naganap nang sumakabilang-buhay si Hiroshi noong July 24, 2001 sa edad na 36 years old dahil sa liver cancer na nakuha niya sa pagiging alcoholic. Ang gumanap namang Annie na si NAOMI MORINAGA ay ipinagpatuloy ang karera sa showbiz sa pamamagitan ng pagganap sa mga soft porn movies. Sabi ko na nga ba, may senyales na ang kanyang mga boso moves noon!
salamat.......
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.