TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Linggo, Abril 4, 2010

Manunulat kuno?

Mahirap din palang magmentena ng tatlong blog, hindi naman dahil gusto kong tortyurin ang sarili ko kakasulat o kakaisip ng ideya pero gusto ko lang ichallenge ang kapasidad ko. Sabi nga nila kahit itaktak pa na parang Ajinomoto ang mundo, kung talagang manunulat ka eh manunulat ka na habambuhay. Ayaw kong sabihin o ikonsidera ang sarili ko bilang isang manunulat kasi wala pa naman akong napapatunayan pa, Hindi rin naman ako mahilig magbasa kasi may pagka mongoloid ako. Medyo maigsi lang ang aking attention span. Kaya nga hindi ako nagbabasa ng mga libro o nobela kasi nga madaling nawawala ang pokus at atensyon ko sa isang bagay. Saka ma BISWAL kasi akong tao, mas gusto kong nakikita ko kesa nag-iimadyin pa. Kaya eto mahilig ako sa komiks at sa coloring book.Hehehe.

Nagsimula ang pagkahilig ko sa pagsusulat nung nasa greyd wan palang ako, bukod sa mga drowing ko sa dingding namin eh madalas inuubos ko ang notbuk ko kakasulat ng kung ano ano. Nung greyd por naman halos ginawa kong komiks ang lahat ng libro, papel pang greydpor at notbuk ko habang dakdak ng dakdak ang titser ko sa harap. Lagi rin akong mataas ang greyds sa Filipino subject namin, kasi laging ako nakakakuha ng mataas pag pinagsusulat kami ng “Ano ang nangyari sa aking bakasyon?.

Nung highschool medyo naglie low ako ng konti, kasi nagbibinata na ako. Kumbaga medyo naambunan na ako ng kahihiyan. Pero naging MANUNULAT din ako sa aming school paper na “SPARKS”, na minsan ginagawang pambalot ng tinapa ng nanay ko o di kaya mandakot ng tae ng aso.

Sa college, lalong wala na akong naisulat kasi halos dumugo na ang ilong ko sa pesteng mga subjects na yan (Maritime kasi course ko). Kaya gusto ko mang sumali sa school paper namin, hindi ko na nagawa kasi nahihilo na ako sa mga subject na lumulutang lutang sa malabnaw kong utak.

Ngayon lang kung saan nandito na ako sa abroad nabuhayan ang aking dugong manunulat. Bukod sa wala akong gaanong ginagawa sa opis ko, para bang masarap magsulat ng magsulat. Yun nga lang medyo mahina ako sa mga technicalities dahil wala naman akong pormal na pag-aaral dyan. Saka tinatamad kasi akong mag-eedit pa ng mag-eedit, o kaya basahin ng paulit ulit ang mga sinulat ko. Kaya tuloy rambol rambol ang mga letra.

Nagawa ko rin baguhin ang mga karakter ko sa pagsusulat. Gusto ko kasi paiba iba ang uri ng pagsusulat ko, yun tipong ibat ibang karakter ang lumalabas sa akin. Minsan sobrang EMO na akala ng mga nagbabasa eh masyado akong madrama sa buhay. Minsan SERYOSO, iniisip ng iba masyado akong EPAL at hindi marunong tumawa. Minsan RELEHIYOSO naman, yun tipong tatanungin ka kung pari o pastor ba ako dati (di lang nila alam, hahaha). Minsan MILITANTE, kasi tinitira ko ang gobyerno . Minsan naman KOMEDYANTE, na mapapansin mo talaga kung gaano kahangin ang utak ko. Minsan pinagsasama sama ko ang mga karakter na yan sa mga sulatin ko. Eh di ba mas okay yun. Heto nga pala ang mga sampol

EMO AKO (madramang ewan):

DA BEST NA COMMENT: Sabi ng mga kapatid ko, nakakawa naman daw ang kalagayan ko, at grabe daw yung lungkot ko (Pero sa totoo lang wala naman sa akin yun, eh sinulat ko lang yun ng parang nangnungulangot lang ako,. Akalain ko bang magmumukha akong kawawa dyan eh di nila alam eh napakasarap ng buhay ko dito)

SERYOSO MODE ( medyo nanigas ang utak ko kasi)

DA BEST NA COMMENT: “kung sino daw ang nagtatanong, ay siya ring nakasusumpong. sana masumpungan mo ang sagot sa iyong mga katanungan, at pag nakita mo na, ibahagi mo rin sa iba”. Sabi yan ni Ate Chona. Eh tama naman sya!!KOREK KOREK

RELEHIYOSO ( Father may ikukumpisal po ako)

DA BEST NA COMMENT: “ganda ng mga punto mo dito. Sana ay mabasa ito ng mga kapitbahay naming banal na aso, ng kaibigan kong nagtangkang magpakamatay dahil sa mabigat na problema, at ng isang kakilala na may matinding hinanakit sa kanyang mga magulang at sa buhay na kanyang nalalasap sa ngayon.

MILITANTE ( MAKIBAKA!!!!!………WAG MAGBABOY,,,,,, hehe corny)

DA BEST COMMENT: “Kaya hindi umaasenso ang Pilipinas eh dahil sa mga buwaya sa Gobyerno”. Medyo umuusok pa ang ilong nung kakilala ko na yan.

KOMEDYANTE ( Use ICE BUKO and GUAVA in a sentence…. Bagong gupit ako ngayon eh ICEBUKO?MASA GUAVA?)

DA BEST NA COMMENT: “Ang korni korni mo naman para kang kornik” Sabi yan yung kaibigan kong bumasa nito. Pero sino kaya mas korni sa amin???? May nalalaman pa syang KORNIK.

Naku marami pala, eh yan na lang muna.

Basta sa akin, gusto ko lang ipahayag ang dadamdamin ko. Kumbaga kung di ko sasabihin ito sa pamamagitan ng pagsusulat baka maging “Taong Grasa” na ako, kasi nololoko na (pero mukhang nagbabadya na). Siguro para sa akin, masarap balik balikan yung mga naisulat ko, nagugulat na lang ako minsan na naisulat kop ala ang mga bagay na yun, o naisip ko pala yun. At kung sakaling magkaanak ako ipapababasa ko sa knya ang lahat ng ito. Tapos sa aking pagtanda magandang balikan ang mga bagay na naiisip ko noon.

Ito na siguro ang paraan ko na kahit papaano naibahagi ko ang sarili ko sa iba, kahit hindi man nila ako kakilala ng lubusan. Masaya ako na kahit walang gustong bumasa nito, naisiwalat ko ang aking naiisip at naisasaloob sa pamamagitan ng pagsusulat . Para sa akin ay sapat na yun.

Kaya mas paghuhusayan ko pa, ika nga KAKARIRIN KO NA. hehehhe

Biyernes, Abril 2, 2010

Na para bang yosi

Heto na naman…

Nung isang araw lang nasabi ko sa sarili ko na titigilan ko na. na hinding-hindi na ako padadala pa. Kahit na anong pagyaya sa akin ng iba…Hinding-hindi na ako hihit buga.

Pero….

Heto na naman….nakikita ko ang sariling kumukuha ng isang stick mula sa lalagyan. Magsisimula na naman akong magsindi ng isa hanggang sa masundan ng isa pa… at isa pa uli, hindi na talaga ako natuto. Parati na lang puso ang pinaiiral ko. Kasi gusto ng puso eh… di bale ng nakakasama sa katawan… Yaman din lang at tayo’y mamatay… siguro mabuti na rin na bilisan…

Hithit lang ng hithit…

Kakalimutan ang pangako sa sarili na tama na… hindi na… titigil na… Iiwan na ang bisyong ito, Isa lang naman talaga ang tatapusin ko ngayon, Eto na lang talaga… Bukas makalawa ay hinding-hindi na.

Oo, Hindi na…

Hinding-hindi na kita hahayaang ako’y malinlang. Hindi ko na hahayaang mabighani ang sarili sa iyong mga ngiti.

Hay naku…

Pero ikaw ay isang bisyong kay hirap iwanan. Animo’y yosi na kay sarap hithitin, ibuga at hithitin uli… Nakakaadik.. nakakalula.. nakakasama man ay sige parin… Kelan ko kaya mapapanindigan ang pagbitaw sa yosing nakakarindi? Siguro kapag naturuan na ang sariling ngumiti kahit pa man sa totoo lang ay naiiyak sa bawat sandaling makita kang nandyan lang, pero nandyan lang… at andito ako sa isang sulok…

Humihithit buga sabay buntong hininga….

Bakit Masarap Manatili sa Abu dhabi?

Masarap manatili sa Abu dhabi. Oo, Ibang klase talaga!

Hindi dahil dito ang palasyo.
Hindi dahil sa ito ang pinakamayaman na City sa buong mundo.
Pawang ang mga gusaling palamuti lamang ito sa bansang walang likas na ganda.

Masarap manatili sa Abu dhabi. Oo, wala na akong hahanapin pa!

Ngunit hindi dahil sa halos ng gastusin ko’y naririto na.
Kahit sabihin mang gasolina ay mura at bilihi’y masasabing abot kaya.
‘Di pa rin maitatago na ang manirahan dito ay magastos, mababaon lang sa dusa

Masarap manatili sa Abu dhabi. Oo, giginhawa ka talaga!

Pero saglit lang, hindi ito dahil sa dirhamong kinikita.
Mga amo kaya rito’y siga – kung ‘di man palasigaw ay tunay na palamura.
Kaya ang mga kabayan ay palipat-lipat ng trabaho at sa pagpapart-time ay sagupa.

Masarap manatili sa Abu Dhabi. Oo, na’t aaminin ko na…

Dahil sa ibang klase ang ligaya kapag ikaw ang aking kasama.
Wala nang ibang hahanapin pa lalo na't sa mga mata ko'y ikaw ang nakikita.
Masarap manatili sa Abu dhabi hanggat ikaw ay nandyan.

Huwebes, Abril 1, 2010

Ang Batang si Aldrino

Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata, may kanya-kanya tayong mga kalokohan at kagaguhang taglay kahit noong bata pa lang tayo. Sa akin heto ang ilan sa mga ito

BUYOY


Sabi ng Nanay ko ay may pagkabulol raw ako ng bata, kaya ang ginawa nya para maideretso ang dila kong pilipit ay pinakain daw nya ako ng kulani ng baboy para raw matanggal yun. Awa naman ng Dyos, ay lalo atang lumalala ang pagiging bulol ko dahil sa dyaskaheng kulani na yan, kaya siguro nagkanda payat payat ako dahil nagka LBM ako matapos kong kainin ang masustansyang kulani na iyan.

Although madalas akong pagtawanan ng aking mga kapatid dahil sa pagiging bulol ko, pero talo ko naman sila pag tinatanong kami kung anong mga prutas ang nagtatapos sa “T”, sila hanggang “duhat” lang ako marami akong nasasagot tulad ng UBAT, MANSANAT, BAYABAT bukod pa ang ibat ibang prutas na LANAT (bata pa lang ako korni na)

DAKILANG MANUNULA

Ayon din sa aking butihing ina, medyo bata palang ako eh isa na akong puwet este poet. Kasi tatlong taon gulang lang daw ako eh umaakyat na ako sa bangko namin sabay bigkas ng mga gawa gawang mga tula galing sa aking mga nakikita at napapansin. Tulad daw nito:

Maraming bangaw ang lumilipad lipad

Sa tae ni Mingning ni ubod ng lapad,

Kinain ni tog-tog ang tae ni ningning,

Sarap na sarap si togtog sa taeng may mais na palaman.

(*** si tog-tog ay ang pangalan ng aso namin****)

Disclaimer: Gawa gawa ko lang ang tulang ito pero ang totoo talaga hindi ko na maalala ang mga tulang kinokompos ko noon.

TONY THE CAT

Palibhasa makapal ang mukha ko noong bata pa ako, kaya naman napansin agad ito ng aking butihing guro. Kaya noong minsang nagpa-audition sila para sa school play na “TONY THE CAT” eh isa ako sa nag-audition at kinabisa ang sampung pahinang linya ni “TONY THE CAT”. Kaya kahit tumatae, nangungulangot, naggugupit ng kuko, nagtataching, nanunungkit ng kaymito sa mangkukulam naming kapitbahay ay kinakabisa ko pa rin ang linya ni “TONY THE CAT”, pero sa huli binigay lang ng titser ko ang papel ni TONY kay ”Putol” ang kaklase kong ubod ng epal . Hindi dahil magaling si Putol kundi dahil mas mukha syang pusa kesa sa akin. Naawa naman sa akin ang titser ko kaya binigay nya sa akin ang papel ng kapatid ni TONY THE CAT. Kaya sa buong play namin wala akong ginawa kundi mag ngungumiyaw sa likod at maglaro ng higanteng bola ng tali, kasi wala naman talagang linya ang kapatid ni TONY THE CAT. Bwisit talaga iyang Putol na yan, palibhasa para syang pusang hindi naliligo sa baho at pusang dinilaan ang puwet ng mga titser ko.

PABORITONG PAMANGKIN

Ako ang paboritong Pamangkin ng tita ko , sa apat magkakapatid ako ang may pinakamatapang ang apog sa lahat. Madalas hihiramin ako ng tita sa nanay at daldalhin ako ng tita sa mga kaibigan nya. Ako naman ,tuwang tuwa kasi pera na naman yun konting pasikat lang sa mga kaibigan ng tita pera agad.

Palibhasa bungi at halos kasing laki lang ako ng bote ng pepsi (yung isang litro), pakiwari nila ako si WENG WENG (bago si mahal at mura, sya ang sikat na sikat na unano noon), at pinapakanta ako ng ABCD, o kaya sumayaw ng Billie Jeans na may moonwalk pa at “hawak sa may bayag” move.

Kaya tiba tiba ako, kasi ang daming nagbibigay ng pera sa akin, tapos tawa pa sila ng tawa. Lalo na pag isinisiwang ko na ang mga malapangil at malatsokolate kong ngipin. Pero ayos na raket yun, kakaiba.Gawin ko kaya uli iyon ngayon???

TINDAHAN NI ALING PILOT

Greyd tri ako noon, at syempre maitim ako, at medyo payat. Tapos nauso yung nakawan sa lugar namin. Ako wala akong kamuwang muwang nun kasi mas gusto ko pang manguha ng gagamba at kumain ng alatiris. Kaya naman nung minsan bumili ako ng suka sa tindahan ni Aling Pilot,hindi ako nakalagpas sa mala-itak na bunganga ni Aling Pilot.

ito ang usapan namin:

AKO: Pagbilhan nga po ng suka!!

ALING PILOT: O eto ang suka mo, teka alam mo bang pinasok ang aming tindahan kagabi ng mga kabataang magnanakaw

AKO: Ay talaga!

ALING PILOT: Siguro kasama ka nila

AKO: Di po!

ALING PILOT: Sus, hitsura mo pa lang eh mukhang magnanakaw ka na.

Noong mga panahon na yun gusto kong sabuyan ng suka ang mukha ni Aling Pilot para malapnos dahil sa ginawa nyang panlilibak sa akin. Kaso inisip ko wag na kasi may utang ang Nanay ko sa tindahan nya,ang ginawa ko dali dali akong umuwi, kinuha ang lapis kong mongol (yung number 3) sabay hanap ng litrato ni Aling Pilot kasi may litrato sya sa amin. Noong nakita ko, kinuha at pinagtutusok ko ang mukha ni Aling Pilot. Sabay lamukos sa piktyur nya at tapon sa basurahan, at least nakaganti na rin ako sa kanya kahit papaano.hahaha!

THE GREAT MANG-UUTO

Ako ang lider ng tatlo kong mga nakakabatang pinsan, at palibhasa ako ang kuya nila kaya wala silang magagawa kundi sumunod sa aking mga pinag-uutos (parang si puma-ley ar at sila ang aking mga kampon). Noong sinabi kong maglalaro kami ng bangko-bangkuhan eh syempre ako ang bank manager at sila ang mga depositor. Dapat lahat ay maghuhulog ng dalawang piso kada araw at papalaguin ko iyon (sabi ko lang yun). Sa huli marami din akong nakulimbat na pera bukod pa sa pasimpleng panunungkit ko pa sa mga alkansya ng mga kapatid ko. gamit ang hairclip, para maipambili ko ng paborito kong “Funny Komiks”. Pero yun nga lang di ko na napigilan ang mga kapatid kong magsumbong sa Nanay, kaya naman isang mag-asawang palo ang inilagay sa magkabilang pisngi ng puwet ko. (Hays, di ko talaga napaghandaan yun)

Alam nyo napakarami ko talagang kalokohan noong bata pa ako, konti palang yan sa dami ng listahan ng mga kagaguhan ko dati. Magkakabarkada kami nila Dennis the Menace at Itok Manok kung mga kapilyuhan ang pag-uusapan. Masarap balikan ang mga nangyari noon sapagkat naging parte ito ng buhay meron ako ngayon.

Naenjoy ko ang pagkabata ko kaya siguro naeenjoy ko rin ang buhay na meron ako ngayon. Masarap balikan at pagtawanan na lang ang mga bagay iyon. Masarap maging bata, simple lang ang gusto at simple lang ang pangarap. Noong binalikan ko ang pagkabata ko, magawa ko rin balikan ang mga simpleng pangarap at kagustuhan ko noon. Naisip ko ngayon na simple lang pala ang buhay, ginagawa ko lang pala kumplikado ang lahat. Pero ano't ano man, masaya ako kasi naging masaya at makabuluhan ang pagkabata ko.

Hayaan nyo gagawan ko pa ito ng part 2 (kung gusto nyo pa, hehehe)