Heto na naman…
Nung isang araw lang nasabi ko sa sarili ko na titigilan ko na. na hinding-hindi na ako padadala pa. Kahit na anong pagyaya sa akin ng iba…Hinding-hindi na ako hihit buga.
Pero….
Heto na naman….nakikita ko ang sariling kumukuha ng isang stick mula sa lalagyan. Magsisimula na naman akong magsindi ng isa hanggang sa masundan ng isa pa… at isa pa uli, hindi na talaga ako natuto. Parati na lang puso ang pinaiiral ko. Kasi gusto ng puso eh… di bale ng nakakasama sa katawan… Yaman din lang at tayo’y mamatay… siguro mabuti na rin na bilisan…
Hithit lang ng hithit…
Kakalimutan ang pangako sa sarili na tama na… hindi na… titigil na… Iiwan na ang bisyong ito, Isa lang naman talaga ang tatapusin ko ngayon, Eto na lang talaga… Bukas makalawa ay hinding-hindi na.
Oo, Hindi na…
Hinding-hindi na kita hahayaang ako’y malinlang. Hindi ko na hahayaang mabighani ang sarili sa iyong mga ngiti.
Hay naku…
Pero ikaw ay isang bisyong kay hirap iwanan. Animo’y yosi na kay sarap hithitin, ibuga at hithitin uli… Nakakaadik.. nakakalula.. nakakasama man ay sige parin… Kelan ko kaya mapapanindigan ang pagbitaw sa yosing nakakarindi? Siguro kapag naturuan na ang sariling ngumiti kahit pa man sa totoo lang ay naiiyak sa bawat sandaling makita kang nandyan lang, pero nandyan lang… at andito ako sa isang sulok…
Humihithit buga sabay buntong hininga….
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.