TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Huwebes, Abril 1, 2010

Ang Batang si Aldrino

Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata, may kanya-kanya tayong mga kalokohan at kagaguhang taglay kahit noong bata pa lang tayo. Sa akin heto ang ilan sa mga ito

BUYOY


Sabi ng Nanay ko ay may pagkabulol raw ako ng bata, kaya ang ginawa nya para maideretso ang dila kong pilipit ay pinakain daw nya ako ng kulani ng baboy para raw matanggal yun. Awa naman ng Dyos, ay lalo atang lumalala ang pagiging bulol ko dahil sa dyaskaheng kulani na yan, kaya siguro nagkanda payat payat ako dahil nagka LBM ako matapos kong kainin ang masustansyang kulani na iyan.

Although madalas akong pagtawanan ng aking mga kapatid dahil sa pagiging bulol ko, pero talo ko naman sila pag tinatanong kami kung anong mga prutas ang nagtatapos sa “T”, sila hanggang “duhat” lang ako marami akong nasasagot tulad ng UBAT, MANSANAT, BAYABAT bukod pa ang ibat ibang prutas na LANAT (bata pa lang ako korni na)

DAKILANG MANUNULA

Ayon din sa aking butihing ina, medyo bata palang ako eh isa na akong puwet este poet. Kasi tatlong taon gulang lang daw ako eh umaakyat na ako sa bangko namin sabay bigkas ng mga gawa gawang mga tula galing sa aking mga nakikita at napapansin. Tulad daw nito:

Maraming bangaw ang lumilipad lipad

Sa tae ni Mingning ni ubod ng lapad,

Kinain ni tog-tog ang tae ni ningning,

Sarap na sarap si togtog sa taeng may mais na palaman.

(*** si tog-tog ay ang pangalan ng aso namin****)

Disclaimer: Gawa gawa ko lang ang tulang ito pero ang totoo talaga hindi ko na maalala ang mga tulang kinokompos ko noon.

TONY THE CAT

Palibhasa makapal ang mukha ko noong bata pa ako, kaya naman napansin agad ito ng aking butihing guro. Kaya noong minsang nagpa-audition sila para sa school play na “TONY THE CAT” eh isa ako sa nag-audition at kinabisa ang sampung pahinang linya ni “TONY THE CAT”. Kaya kahit tumatae, nangungulangot, naggugupit ng kuko, nagtataching, nanunungkit ng kaymito sa mangkukulam naming kapitbahay ay kinakabisa ko pa rin ang linya ni “TONY THE CAT”, pero sa huli binigay lang ng titser ko ang papel ni TONY kay ”Putol” ang kaklase kong ubod ng epal . Hindi dahil magaling si Putol kundi dahil mas mukha syang pusa kesa sa akin. Naawa naman sa akin ang titser ko kaya binigay nya sa akin ang papel ng kapatid ni TONY THE CAT. Kaya sa buong play namin wala akong ginawa kundi mag ngungumiyaw sa likod at maglaro ng higanteng bola ng tali, kasi wala naman talagang linya ang kapatid ni TONY THE CAT. Bwisit talaga iyang Putol na yan, palibhasa para syang pusang hindi naliligo sa baho at pusang dinilaan ang puwet ng mga titser ko.

PABORITONG PAMANGKIN

Ako ang paboritong Pamangkin ng tita ko , sa apat magkakapatid ako ang may pinakamatapang ang apog sa lahat. Madalas hihiramin ako ng tita sa nanay at daldalhin ako ng tita sa mga kaibigan nya. Ako naman ,tuwang tuwa kasi pera na naman yun konting pasikat lang sa mga kaibigan ng tita pera agad.

Palibhasa bungi at halos kasing laki lang ako ng bote ng pepsi (yung isang litro), pakiwari nila ako si WENG WENG (bago si mahal at mura, sya ang sikat na sikat na unano noon), at pinapakanta ako ng ABCD, o kaya sumayaw ng Billie Jeans na may moonwalk pa at “hawak sa may bayag” move.

Kaya tiba tiba ako, kasi ang daming nagbibigay ng pera sa akin, tapos tawa pa sila ng tawa. Lalo na pag isinisiwang ko na ang mga malapangil at malatsokolate kong ngipin. Pero ayos na raket yun, kakaiba.Gawin ko kaya uli iyon ngayon???

TINDAHAN NI ALING PILOT

Greyd tri ako noon, at syempre maitim ako, at medyo payat. Tapos nauso yung nakawan sa lugar namin. Ako wala akong kamuwang muwang nun kasi mas gusto ko pang manguha ng gagamba at kumain ng alatiris. Kaya naman nung minsan bumili ako ng suka sa tindahan ni Aling Pilot,hindi ako nakalagpas sa mala-itak na bunganga ni Aling Pilot.

ito ang usapan namin:

AKO: Pagbilhan nga po ng suka!!

ALING PILOT: O eto ang suka mo, teka alam mo bang pinasok ang aming tindahan kagabi ng mga kabataang magnanakaw

AKO: Ay talaga!

ALING PILOT: Siguro kasama ka nila

AKO: Di po!

ALING PILOT: Sus, hitsura mo pa lang eh mukhang magnanakaw ka na.

Noong mga panahon na yun gusto kong sabuyan ng suka ang mukha ni Aling Pilot para malapnos dahil sa ginawa nyang panlilibak sa akin. Kaso inisip ko wag na kasi may utang ang Nanay ko sa tindahan nya,ang ginawa ko dali dali akong umuwi, kinuha ang lapis kong mongol (yung number 3) sabay hanap ng litrato ni Aling Pilot kasi may litrato sya sa amin. Noong nakita ko, kinuha at pinagtutusok ko ang mukha ni Aling Pilot. Sabay lamukos sa piktyur nya at tapon sa basurahan, at least nakaganti na rin ako sa kanya kahit papaano.hahaha!

THE GREAT MANG-UUTO

Ako ang lider ng tatlo kong mga nakakabatang pinsan, at palibhasa ako ang kuya nila kaya wala silang magagawa kundi sumunod sa aking mga pinag-uutos (parang si puma-ley ar at sila ang aking mga kampon). Noong sinabi kong maglalaro kami ng bangko-bangkuhan eh syempre ako ang bank manager at sila ang mga depositor. Dapat lahat ay maghuhulog ng dalawang piso kada araw at papalaguin ko iyon (sabi ko lang yun). Sa huli marami din akong nakulimbat na pera bukod pa sa pasimpleng panunungkit ko pa sa mga alkansya ng mga kapatid ko. gamit ang hairclip, para maipambili ko ng paborito kong “Funny Komiks”. Pero yun nga lang di ko na napigilan ang mga kapatid kong magsumbong sa Nanay, kaya naman isang mag-asawang palo ang inilagay sa magkabilang pisngi ng puwet ko. (Hays, di ko talaga napaghandaan yun)

Alam nyo napakarami ko talagang kalokohan noong bata pa ako, konti palang yan sa dami ng listahan ng mga kagaguhan ko dati. Magkakabarkada kami nila Dennis the Menace at Itok Manok kung mga kapilyuhan ang pag-uusapan. Masarap balikan ang mga nangyari noon sapagkat naging parte ito ng buhay meron ako ngayon.

Naenjoy ko ang pagkabata ko kaya siguro naeenjoy ko rin ang buhay na meron ako ngayon. Masarap balikan at pagtawanan na lang ang mga bagay iyon. Masarap maging bata, simple lang ang gusto at simple lang ang pangarap. Noong binalikan ko ang pagkabata ko, magawa ko rin balikan ang mga simpleng pangarap at kagustuhan ko noon. Naisip ko ngayon na simple lang pala ang buhay, ginagawa ko lang pala kumplikado ang lahat. Pero ano't ano man, masaya ako kasi naging masaya at makabuluhan ang pagkabata ko.

Hayaan nyo gagawan ko pa ito ng part 2 (kung gusto nyo pa, hehehe)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.