TISSUE
" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"
Lunes, Pebrero 14, 2011
Ano?? Pag-ibig na naman!!!
Ayokong pag-usapan ang usaping puso,dahil nababaduyan ako. At dahil pakiramdam ko gasgas na gasgas na ang mga ito. Hindi rin ako gaanong nanonood ng mga “romantic movies" dahil kinakahon nito ang kaisipan at ideya natin tungkol sa pagmamahal. Mahilig ako sa musika pero napapansin ko halos lahat ng tugtugin ngayon ay puro kasawian at kabiguan ng pagmamahal. Tuloy binibigyan din tayo ng maling impresyon tungol sa pag-ibig.
Hindi ako nagbabasa ng mga romantic novel, dahil pakiramdam ko masyado nilang ine-exaggerate ang pagmamahal para lamang makabenta sila ng kanilang mga akda.
Sa matagal na panahon umiikot ang persepyon natin sa pag-ibig ayon sa napapanood natin sa pelikula, base na naririnig natin sa musika at mula sa mga nababasa natin sa mga nobela. Tuloy hindi na natin makita ang tunay na katotohanan tungkol sa pag-ibig.
Hindi ako perpekto sa larangan ng pag-ibig dahil ako man ay naging biktima nito.
1. Huwag mong ibase ang pag-ibig ayon sa iyong emosyon. Hindi ka nagmamahal dahil sa masaya ka at dahil sumasaya ka kasama nya. Dahil kung sakaling hindi ka na masaya kasunod din bang mawawala ang pagmamahal? Kung sakaling galit ka sa iyong minamahal kasunod na rin bang kasusuklaman mo ang pag-ibig? Ang pag-ibig ay isang pangako, na kahit ano pa ang emosyon mo mangangako kang mahalin sya at mananatili ka para sa kanya.
2. Huwag mong ipangsangkalan ang “pag-ibig” kaya ka naging miserable. Ito’y isang desisyon at hindi bunga ng pagkakataon. Kung nasaktan ka umiyak ka, walang masama sa pagiging malungkot pero ang ipamuhay ang kalungkutan sa ating buhay, iyon ang kailanman ay hindi nakakabuti sa atin.
3. Huwag mong mahalin ang isang tao sa mga bagay na naibigay/nagawa nya sa iyo, mahalin sya sa mga bagay na hindi nya kayang ibigay /gawin sa iyo. . Ang pagmamahal sa kanyang kakulangan ay pagbibigay ng pagkakataon sa iyong punuin ito para sa ikakukumpleto ng pagsasamahan ninyo.
4. Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo.
5. Huwag kang magtakda ng obligasyon o responsibiliad sa iyong minamahal. Ang pagmamahal ay hindi isang obligasyon o tungkuling kaakibat ng pagmamal, kundi ito ay ugnayan sa bawat isa. Mula sa unawaan doon makikita ang limitasyon ninyo at mula sa pagkakaintindihan matuto kang maging responsable sa iyong minamahal.
6. Huwag sukatin ang tagal ng pagsasama base lamang sa pag-ibig, dahil ang sikreto ng matagal na pagsasama ay hindi lang nakukuha sa pagmamahal kundi sa “pagkakaibigan”. Na kahit wala na kayong pagmamahal sa isat’isa, mananatili pa rin kayong magkasama dahil sa pagkakaibigan na mayroon kayo.
7. Huwag mong sukatin o bilangin ang iyong naibigay para sa iyong minamahal. Dahil kaya tayo napapagod sa pagmamahal kasi binibilang natin ang lahat ng ating ibinigay at kinakalkula ang mga bagay na hindi pa naibabalik sa atin. Hindi nasusukat ang pag-ibig at lalong hindi ito nilalagyan ng presyo.
8. Huwag mong sabihing “mas mahal kita” sa iyong minamahal, dahil wala kayo sa isang kumpetisyon at huwag mong ikumpara ang laki ng pagmamahal mo sa kanya.
9. Huwag kang maglagay ng “expectation” sa iyong minamahal at huwag ka ring mapaghanap. Sa taong mapaghanap kailanman ay hindi makukuntento, ang taong laging naglalagay ng expectation sa ibang tao kailanman ay hindi masisiyahan.
10. Huwag mong ibase ang pag-ibig dahil lang sa ito’y masarap sa pakiramdam at dahil kinikilig ka. Dahil kapag nawala ang “kilig”mawawala din ba ang pagmamahal? Isipin din na hindi lahat ng “masarap” sa pakiramdam ay nakakabuti sa katawan.
11. Huwag mong sabihing “mahalin mo ako kung ano ako” dahil ang totoong nagmamahal ay nagbabago para sa ikabubuti at ikakagaganda ng iyong samahan.
12. Huwag kang magmahal ng higit pa sa iyong sarili. Ibigay ang nararapat at ibigay lang ang sapat (lalo't hindi nya hinihingi na magbigay ka ng labis). Baka sa huli ikaw ang mawalan . Tandaan ang lahat ng labis ay nakakasama.
13. Huwag mong paikutin ang mundo mo sa isang tao, dahil kung nawala ang taong iyon kasunod din bang pagtigil ng mundo mo? Malaki ang mundo para ipaikot ito sa isang tao. Maraming tao para mahalin, at maraming tao din para mahalin ka.
14. Huwag kang magmahal sa taong hindi ka kayang mahalin. Nauubos din ang pagmamahal lalo na't wala naman syang ginagawang paraan para punuin ito.
15. Huwag mong mahalin ang isang tao dahil lamang sa magagandang katangian nya, mahalin mo ang hindi magagandang nyang katangian ,tanggapin ito at ipamuhay.
.
.
HUWAG KANG MAIN-LOVE SA PAKIRAMDAM LANG NG ISANG TAONG INLOVE!!!
(kaya ka tuloy miserable ka pag-iniwan at kaya ka nabubulagan sa tunay na depinisyon ng "pag-ibig")
******************
Hindi ako naniniwala sa “One True Love”, dahil ang tunay na pagmamahal ay pwedeng makuha hindi lang sa iisang tao at lalong pwedeng kang magbigay ng tunay na pag-ibig hindi lang rin sa iisa kundi pwede rin sa marami,
Hindi rin ako naniniwala sa “Love at First Sight”, dahil ang pag-ibig ay hindi nakukuha ng biglaan. Itoy pinagsisikapan at pinagtutulungan sa pagdaan ng panahon. Ang tunay na pagmamahal ay makukuha rin sa pagpupursigeng paunlarin at pagyabungan ang pagmamahalan,
Hindi ako naniniwala sa kasabihang “Love is Blind”, dahil ang tunay na nagmamahal hindi mata ang ginagamit para makakita, puso ang tumintingin . Kaya nya minamahal ang isang tao hindi dahil bulag sya kundi malinaw ang mata nya para makita ang hindi nakikita ng ibang tao sa kanya.
Hindi ako naniniwala sa “Soulmate”,. Ang pagkakaroon ng isang minamahal ay mula sa ating desisyon at nasa atin kung sino ang pipiliin natin .Hindi ito tinakda at lalong walang pang magpapatunay na may naitakda na sa atin bago pa man tayo isilang. Binigyan tayo ng Dyos ng “free will” para tayo ang pumili para sa sarili natin, kasama na riyan ang pagpili kung sino ang makakasama natin sa buhay. Baka sa pag-aantay sa “Soulmate” na ito, hindi na natin mabigyan ang pagkakataon ang ating sarili na pumili kung sino ang ating mamahalin.
Hindi rin ako naniniwala sa “Destiny”, dahil ang bawat pagkakataon ay likha o bunga ng ating mga desisyon sa buhay. Tayo ang magdidikta ng kapalaran at tayo ang may hawak ng sarili natin buhay.
Marami akong ideya tungkol sa “pag-ibig” na marahil iba ito sa karamihan. Maaari ring marami ang tumaas ng kilay. Pero hindi ko naman pipilit ito sa inyo. Nasa atin naman yun kung ano ang nakakabuti sa atin at kung ano ang hindi. Tayo pa rin ang magdedesisyon kung ano ang papaniwalaan natin.
Iiwanan ko sa iyo ang kahulugan ng pag-ibig na nakasaad sa bibliya, sana magamit natin ito para lalo nating maintihan ang kahulugan ng “pag-ibig”
Maraming salamat at Maligayang Araw ng mga Puso.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.