TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Huwebes, Marso 24, 2011

Johnny-come-lately ako sa photography


Maraming hilig at talento ang isang tao. Maaring sa pagsusulat, sa pagpipinta, sa eskultura, sa paghahalaman, sa pagluluto, sa pagkukumpuni ng kung anu-anong gadget at makina sa bahay.

May talentong napapalawak mo. Meron namang naiisantabi. Kung ikaw ay isang overseas worker na katulad ko, karamihan ng iyong interes ay gusto mong panindigan. Hindi ko lang sigurado kung bakit. Dahil siguro may oras ka. Pagkatapos ng trabaho ay wala ang pamilyang dapat at umagaw ng iyong atensyon. Marahil dahil gusto mong punuin ang iyong oras upang di makapag-isip ng di gaanong masayang bagay.

Kaya siguro ako'y nag-isip magblog. makipagkaibigan, at kung anu-ano pa.

Kamakailan, nagkaroon ako ng bagong kinahihiligan. Isang bagong sining -- ang pagkuha ng larawan o potograpiya. Pero sa totoo, noon pa man gustong-gusto ko nang kumuha ng mga larawan ng mga lugar, bagay, at mga taong nakapaligid sa akin, lalo ang aking mga ninuno at iba pang kasapi ng aking angkan.

Hindi lahat ng maganda ay mata ang nakakakita. Puso lang ang makapagsasabing kakaiba sa lahat ang isang bagay. Hindi sa paraang makikita ng mata kundi ang kayang tarukin ng damdamin. Kung nais mong hangaan ang isang larawan tingnan mo ito ng malalim at may pakahulugan, sabay namnamin ang katahimikan.

Matapos akong makabili ng isang makabago ngunit simpleng camera, nagsimula kong pag-aralan ito. Pashoot-shoot sa kahit saan at kahit ano. Kahit anong anggulo. Pinihit sa feature na iba't iba at sumubok ulit. Nakakaaliw. Nakakaakit na para bang gusto mo na lang laging hawak ang camera. Kakaibang linya ng sining.

Bagong karanasan sa akin ang photo shoot. Ibang level, sabi nga ng mga kabataan. Wala akong alam sa set-up .. nagmasid lang ako at nag-isip. Watch and learn, wika nga.

Bakit nga ba ngayon ko lang ba sinubukan ito? Ang tagal kong natulog sa kangkungan. Halos kasing tagal ng kasaysayan ng photography. Tinuklas ng ibat ibang kilalang sayantipiko. Noon kasi, kasing laki ng aparador ang camera. Kailangan ng dark room, at ibinababad sa mga kemikal para lang mabuo at lumabas ang larawan. Maswerte tayo sa kasalukuyang panahon. Kay gaan ng ng kamera at idiot-friendly. Tamang sipat, pindot, at konting arte, ayan na -- instant ang larawan.

Siempre Johnny-come-lately ako sa photography. Starting from near scratch. Pero walang di matututunan sa wastong pag-aaral. Hanggang meron kang passion at pagmamahal sa yong kinahihiligan, may mararating ka. Sa bandang huli mapapansin ka rin at makikilala. Kay raming inspirasyon sa kapaligiran. At marahil sa darating na panahon ikaw naman ang magiging inspirasyon sa iba sa pagkuha ng larawang simple pero may buhay at kahulugan.

Muling pagbabalik-tanaw ang litrato sakin, kuhanan muli ang nakalipas na araw na kasama ko ang aking mga magulang at mga kapatid. Kung ganoon lang sana kadali ang pagbabalik na ito -- marahil, makikita nyo sa akin ang ngiti ng isang taong wala nang hihilingin pa sa buhay.

Pangarap ko bilang isang OFW na makakuha ng mga litratong yayakapin ng aking pamilya. Yun bang tipong nakalagay sa wall at tinititigan ng lahat ng mahal ko sa buhay. May alam o wala tungkol sa sining. Dahil litrato nila ang aking kukuhanan, ipagyayabang at ipagmamalaki na sila ang bumubuhay ng kwadro kahit wala itong magarbong frame.

Kahalintulad ito ng pag-asinta ng buhay at suliranin, pag-klik ng naaayon sa iyong gusto, paglalagay ng liwanag sa madilim na tinatahak, at pagbalanse ng bawat kulay ng buhay. Kung mahirapang gawin ito, maraming taong tutulong at gagabay.
Sa pamamagitan ng potograpiya may makikita ka sa mukha ng mundo na hindi kayang arukin ng mata..

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.