TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Miyerkules, Disyembre 15, 2010

Simpleng Wish ko Ngayong Pasko

Hindi ako magwi-wish ng “WORLD PEACE”, dahil kaplastikang sagot yan lalo pa’t wala naman tayo sa beauty contest . Ayaw ko ring magwish na manalo sa Lotto, dahil di naman ako tumataya dyan. Ayaw ko ring magwish para sa ibang tao, dahil may mga wishes din naman sila, at tyak din na hindi naman nila ako isasali sa wish list nila!Hehhee!
Kaya siguro nararapat lang na magwish ako para sa sarili ko. Ito’y mga simpleng WISH LIST lamang ngayon PASKO.
.
WISH KO NA………………….
.
1.Sana may mangaroling sa tapat ng bahay flat namin dito sa UAE, kahit bato at tansan lang ang dala nila at wala sila sa tono masaya na ako dun.
.
2. Sana maranasang ko ring makipagsiksikan sa mga mall dahil sa Christmas Rush at pumunta sa mga tyangge o bazzar at mamili ng regalo para sa mga kapamilya, kaanak at kaibigan ko.
.
3. Sana nahihirapan akong gumising tuwing umaga para magsimba tuwing Misa de Gallo, at piliting makumpleto ang siyam na umaga/gabi.
.
4. Sana makita ko sa personal ang naglalakihang Christmas Tree sa Cubao, o di kaya tumambay sa Greenhills para manood ng COD tuwing alas-syete ng gabi at panoorin ang naglalakihang parol ng Pampanga.
.
5. Sana makakain ako ng bibingkang maraming itlog na maalat sa ibabaw, uminom ng mainit na salabat at malasap ang puto bumbong na nag-uumapaw sa niyog.
.
6. Sana maka-attend ako sa mga Christmas Parties ng kumpanya o reunion naming magkakaibigan , kahit hindi na ako manalo sa mga raffle at sa mga parlor games.
.
7. Sana magkapagvideoke kaming magkakapatid kahit alam kong si Ate lang naman ang madalas kumuha ng mic at bumirit ng “You are my Song” ni Regine.
.
8. Sana biruin ako ni tatay na may regalo na daw si Santa Claus sa sinabit kong medyas sa bubong.
.
9. Sana gisingin ako ni nanay kasi Noche Buena na.
.
10. At Sana…… Sana….. SANA KASAMA KO SILANG NGAYONG PASKO.
.
Para sa maraming Pilipino ito’y isang wish list na hindi na dapat pangarapin, kahilingan hindi naman binibigyan ng napakalaking importansya. Pero sa tulad kong malayo sa pamilya at ninirahan sa bansang walang Pasko, isa itong kahilingan na alam kong hindi naman matutupad ngayon Pasko. SIMPLE lang naman ang aking mga hiling. SIMPLE lamang ang aking mga gusto . SIMPLE………………….. subalit tila napaka-imposibleng mangyari sa akin ngayong Pasko.
.
Mahirap magsabit ng parol sa bintana dito dahil baka mahuli pa ako ng mga pulis. Mahirap bumati ng “Merry Christmas” dahil hindi naman nila pinagdiriwang ang araw na iyo. Mahirap kumain mag-isa kapag Noche Buena dahil tila walang lasa ang mga pagkain dito. At lalong mahirap din isipin na pumapatak ang luha ko dahil sa pangulila at lungkot imbes na maging masaya, dahil alam kong karamihan sa pamilyang Pilipino ay magkakasama sa napakasayang araw na ito.
.
Ang Pasko dito sa UAE ay tila ordinaryong araw lamang, pero sa akin isa itong araw na mas nararamdaman kong NAG-IISA AKO.
.
Tama na nga yan, baka umagos pa ng luha dito sa computer ko!Hehehe!
.
Yan lang naman ang kahilingan ko ngayong Pasko at Maraming Salamat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.