“Anak gising ka na, baka mahuli ka pa sa flight mo!” salitang bumasag sa katahimikan ng madaling araw. Pilit akong ginigising ng aking tatay para maihanda ko na ang aking sarili para sa nalalapit na paglisan sa aking lupang sinilangan.
“Opo, babangon na po”, malumay kong sagot.
Mabigat sa pakiramdam ang umagang iyon, pilit pa akong nilalamon ng aking antok dala na rin sa pagod na naramdaman mula sa pag-iimpake ng aking mga gamit kinagabihan. Hinahalina pa ako ng lamig ng hangin mula sa aming bentilador at ginagayuma rin ako ng init na binibigay ng aking kumot.
“Anak gising ka na! parating na ang Ninong mo!” ikalawang pag-alarma ng aking ina, sabay tapik sa aking balikat para muli akong gisingin.
Agad akong bumangon at sinimulang ligpitin ang aking pinaghigaan. Tila bawat paggalaw ay tila may isang malaking batong nakapatong sa aking katawan. Mabigat sa pakiramdam at mahirap sa kalooban. Sa mga panahon na iyon gusto kong pigilin ang oras at sa mga pagkakataon ring iyon gusto kong tumakbo pabalik ang kamay ng aming relo.
Bawat minutong lumilipas ay tila isang pahina ng aklat ang nabubukas sa aking diwa. Mga pahina ng mga magagandang nakaraan ang bumalik sa aking ulirat mula sa halos isang buwan na pagbabakasyon sa bansang Pilipinas.
Kasabay ng aking pagbubuntong hininga ay pagbabalik ng aking magagandang alaala kasama ng aking pamilya. Isa-isa ring nanumbalik ang bawat halakhak at masasayang alalala na kasama ko sila. Mistula akong baliw na ngumingiti mag-isa at kalauna’y napapalitan din ng malungkot na mata at mabagal na paghinga.
“Anak, maligo ka! Naihanda ko na rin ang damit mo, kunin mo na lang sa may plantsahan!” paalala ng aking ina habang nagluluto ng aming agahan sa kusina.
“Opo” mabigat kong sagot.
Madilim pa sa labas at hindi pa sumisiwang ang bukang liwaywayway. Katulad ng aking nararamdaman noong mga panahon na iyon, madilim , malungkot at tila walang liwanag ang gustong pumasok sa aking puso.
Binuksan ko ang gripo, at umagos ang malamig na tubig. Lumikha ito ng malakas na ingay at sinimulan ko ng ibuhos ang malamig na tubig sa aking katawan. Umagos ang tubig mula sa aking ulo subalit kasunod nito ang pag-agos ng luha mula sa aking mga mata. Ang lagaslas ng tubig sa aming timba ang tumulong sa akin na itago ang mga impit kong hikbi. Ayaw kong ipakita sa kanila na mahirap sa akin ang paglisan at ayaw kong iparamdam sa kanila na nalulungkot ako at nahihirapan. Lalabas ako ng banyo ng walang bakas ng luha at ingay ng aking mga hikbi. Lilisan ako sa amin ng walang bakas ng lungkot at pangungulila.
Matapos kong maligo at magbihis, lumabas akong nakangiti. Subalit ito’y isang mababaw na ngiti lamang, hindi pa rin kayang dayain ng aking ngiti ang lungkot ng aking mga mata. Pilit kong kinakalimutan ang napipintong pagpapaalam, at pilit kong nilalabanan ang kalungkutan. Mahirap magpanggap ng ibang emosyon at lalong mahirap itago ang tunay kong nararamdaman.
“Nay, ano ulam natin?” tanong ko sa aking ina
“Heto corned beef at itlog” sagot ng aking nanay
“Ano ba yan nanay, masyado namang tipikal. Akala ko pa naman ipaglilitson nyo ako!”sabay ngiti at tukso sa aking ina.
“Eh hayaan mo sa susunod na lang anak, ipaglilitson pa kita ng 3 baboy”pabirong tugon ng aking ina.
Pilit kong ginagawang biro ang luto ng nanay, at sinusubukan kong tuksuhin ang nanay.Ngunit batid ko sa aking sarili na mas pipiliin ko pang kumain ng corned beef at itlog araw araw basta si nanay lang ang magluluto kaysa kumain ng masasarap na pagkain mag-isa. Tyak hahanapan hanapin ng aking panlasa ang luto ng nanay, tyak hahanapin hanapin ko ang corned beef ni nanay , tyak hahanap hanapin ko ang pagluluto sa kusina ni nanay at tiyak hahanap hanapin ko si nanay.
Ayoko kong maging malungkot noong mga araw na iyon kaya pilit kong binabago ang aking atensyon kaya sinimulan ko nang kumain. Sa bawat paglugnok ko ng pagkain ay tila bumabara ito sa aking lalamunan. Nahihirapan akong lunukin ang pagkain, nahihirapan akong lunukin ang katotohanang aalis muli ako at iiwanan ko ang aking pamilya.
“Tay, kamusta na po ba yung tindahan natin?” binasag ko ang kalungkutan ko ng tanong sa aking tatay habang sya ay nag-aayos ng kanyang sarili dahil sasama sya paghatid sa akin sa airport.
“Okay naman anak, marami rin ang bumibili sa atin” tugon ng aking tatay.
“Ganun po ba?Basta tay wag na kayong magpapakapagod ha! Alam nyo namang ayaw ko kayong nakikitang nahihirapan,
Gusto kong magpakasarap na lang ang tatay ngayon dahil sa edad na 60 ay halos nakuba na sya para mapag-aral lang kaming 4 magkakapatid. Ayaw ko ng mahirapan ang tatay kaya pinipilit ko syang huwag ng mag-alala pa at tutulong akosa lahat ng gastusin basta mangako lang ang tatay sa akin na huwag nyang pababayaan ang kanyang kalusugan.
“Oo naman anak, medyo kahit papaano ay ginhawa na talaga tayo ngayon, kaya hindi na ako pwersado”pagmamalaki ng aking tatay.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi, natutuwa akong nararamdaman nila ang ginhawa sa buhay kahit konti lang. Natutuwa akong hindi na sila nahihirapan sa buhay at dama na nila kahit paano ang sarap ng buhay.
Naging mabilis ang aking pagsubo dahil tila nakaramdam ako ng konting saya sa aking puso.Unti unti kong naubos ang aking pagkain at nagsimula na ring magsibangon ang aking mga kapatid.
“Ate, basta ikaw na bahala sa mga nanay at tatay! Saka kung may problema i-email mo lang ako”
“Kuya, galingan mo ang trabaho mo para mas lalong matuwa ang boss mo sa iyo!”
Isa-isa kong binilinan ang aking mga kapatid. Gusto ko pa sanang magkipagkwentuhan sa kanila. Gusto ko pa sanang sulitin ang bawat nalalabing segundo kasama nila. Subalit tila limitado ang mga salitang lumalabas sa aking mga labi. Agad kong niyakap sila ng mahigpit, marahil sa ganitong paraan mas lalo nilang maramdaman ang pagmamahal ko at pangungulila ko sa kanila.
Poootttttttt!!!!!!!
Isang busina ang umagaw sa aming atensyon.
“Anak, nandyan na ang Ninong mo!” hiyaw ng aking ina.
Tila lalong bumilis ang oras, at lalo kong naramdaman ang bigat ng aking kalooban. Hinanap ko ang aking nanay dahil matagal syang nawala sa aking paningin. Alam kong nahihirapan din sya katulad ko. Sino bang ina ang hindi malulungkot kapag ang kanyang anak ay mawawala sa kanyang piling?
Alam kong pilit din nyang nilalakasan ang loob dahil ayaw nya na nakikita ko syang umiiyak . Kaya nga hindi ko na sya pinasama pang maghatid sa akin sa airport. Lagi ko kasi syang sinasabihan noon, na ayaw ko syang nakikitang umiiyak. Naranasan na nya kasi noon na umiiyak dahil hindi nya alam kung saan kukuha ng pera para mapag-aral lang kami. Kaya ngayon. alam ko na tapos na ang yugto iyon sa aming buhay , at pinipilit ko talagang hindi na sya maproblema pa sa buhay,ngayon.
“Nay, ingatan nyo po ang kalusugan nyo ha, at huwag na kayong iiyak pa! Ipangako nyo lang na hindi nyo pababayaan ang kalusugan nyo. Huwag na kayong kakain pa ng matatabang pagkain, dahil bawal yun sa inyo. Yung vitamins na uwi ko, inumin nyo yun araw araw ha. Saka wag kayong mag-alala sa akin dahil okay na okay ako sa Sharjah. Kayo lang ang iniisip ko, basta ingatan nyo ang sarili nyo at mahal na mahal ko kayo” habilin ko sa aking nanay.
Niyakap ko sya ng ubod ng higpit, ayaw ko ng bitawan pa ang nanay sa aking pagyapos.Sinusulit ko ang bawat minuto dahil matatagalan pa bago muli ko silang makasama.Pinipilit kong damhin ang yapos ng nanay at memoryahin ito sa aking alaala, para madama ko pa rin sya kahit ako’y mag-isa.Gusto kong punan ng aking mga yakap ang mga araw na wala ako sa tabi nya.
“Sige na anak iniintay ka na ng Ninong mo!” sambit ng aking ina.
Bagamat hindi ko nakita ang kanyang mga luha, ramdam ko ang kalungkutan nya. Marahil naalala pa rin nya ang bilin ko na ayaw ko syang nakikitang umiiyak. Alam kong pinipigilan nya ang pagpatak ng kanyang luha. Dama ko ang mabigat na pagtibok ng kanyang puso at ramdam ko ang kanyang pangulila sa akin.
Nagmadali akong sumakay sa kotse habang kumakaway ang aking mga kapatid at ang aking nanay.Gusto kong pigilin ang oras pero tila mas lalo itong bumibilis. Habang ang kotse ay nagsimula ng umaandar at lumayo nakita ko ang nanay na umiiyak. Pakiwari ko’y gusto nya akong pigilan, pakiramdam ko nahihirapan din syang nakikita akong nagpapaalam. Gusto kong bumaba sa kotse at yakapin muli ang nanay, subalit nilakasan ko na lang ang aking loob at hayaang mawala na lang sila sa aking paningin habang ako ay papalayo.
Habang binabaybay ko ang daan papuntang airport, muling nanunumbalik ang mga masasayang alaala at magagandang nangyari sa aking bakasyon. Muling nanariwa ang mga sandaling naramdaman kong kumpleto ako. Nanumbalik sa akin ang totoo at walang hanggang kasiyahan dahil nagkasama kaming pamilya. Tila napakabilis ng byahe noon, mas nararamdaman ko na ang aking napipintong paglisan
Saktong alas 2:00 ng hapon dumating kami sa paliparan. Napakaraming tao ang naroon, marami sa kanila ang katulad kong OFW rin. Maraming akong nakikitang umiiyak, marami rin akong naririnig na nagpapaalam. Iisa marahil ang pakiramdam namin, pare-pareho lang din siguro ang lungkot namin.
“Anak, paano ba yan magkakahiwalay na naman tayo!!” sambit ng aking ama
“Tay, mabilis lang ang panahon kaya tyak magkakasama uli tayo”tugon ko
Sinimulan ng ikaraga ng aking Ninong ang bagahe ko sa “trolley”, habang nakaakbay ako kay tatay. Nababanaagan sa tatay na mabigat din sa kanya ang aking pag-alis.
“Sana sa mga susunod na taon sama sama na tayo at hindi mo na kailangan pang bumalik sa Sharjah, Anak” sabay yakap sa akin ng mahigpit
“Oo nga tay!kung bakit naman kasi ang hirap ng buhay sa Pinas!Kung bakit ang kailangan ko pang umalis, kung bakit kailangan pa nating maghiwa-hiwalay” panginginig ng aking boses.
Halos gusto ng tumulo ng aking luha, subalit pinipigilan ko ang pagpatak nito. Masakit sa lalamunan kapag pigil ang emosyon subalit mas masakit ang katotohanang iiwanan ko na sila.
“Tay, ingatan nyo kalusugan nyo ha! Kayo na rin bahala kina nanay! Mahal na mahal ko po kayo” Sabay halik sa aking tatay sa huling sandali
Inalis ko pagkayapos ko kay tatay, dahil kailangan na naming maghiwalay. Kinuha ko na ang aking trolley at tumalikod na sa kanila papunta sa pinto ng paliparan.
Muli akong sumulyap habang akong papalayo, at nakita ko ang tatay na namumula ang mata dahil pinipigilan nyang umiyak. Dali akong pumasok sa pinto ng paliparan dahil hindi ko kayang tingnan ang tatay ko, at natatakot akong na sumabog lang bigla ang aking emosyon.
Mabibilis na hakbang, sunod sunod na paghinga ang aking ginawa. Umaasang sa bawat mabilis na hakbang ko, kasunod nito ang pagbilis ng panahon. Patuloy akong aasa na sana hindi ko na kailangan ko pang umalis at magtrabaho pa sa ibang bansa. Aasa akong hindi ko na kailangan pang magpaalam sa mga mahal ko sa buhay. Aasa akong magkakasama-sama uli kami. At aasa akong sana hindi na muli darating pa ang katulad na araw na ito.
Alam kong kailangan kong magsakripisyo, alam kong kailangan nila ako. Masakit para sa kanila ang nakikita akong nagpapaalam, ngunit mas doble pala ang sakit kung ikaw ang magpapaalam. Bibitbitin ko na lang ang mga magagandang alala nila, sasariwain ko na lang ang mga panahong kasama ko sila. Panibagong pakikibaka na naman ang aking gagawin, panibagong hamon na naman ang aking kakaharapin.
Sana kasama ko sila sa mga laban ko sa buhay, sana nandyan sila para suportahan ako sa aking pakikipagsapalaran sa mundo. Pero okay lang kung mag-isa ako ngayon, sila naman ang inspirasyon ko sa ibayong dagat at sila din naman ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap ng ganito. Di bale ako na ang mahirapan, di baleng ako na lang ang magsakripisyo basta nakikita ko lang silang masaya at kuntento.
Naalala ko tuloy ang sinabi ko noon sa aking kaibigan noong tinanong nya ako kung ano pa ang kaya kong isakripisyo para sa pamilya ko. Sumagot lang ako sa kanya:
“Kung ang buhay ko ay kasing halaga ng 10 milyon, handa kong ipalit ang buhay ko sa 10 milyon para sa pamilya ko, ganyan ko sila kamahal at ganyan sila kaimportante sa buhay ko”
Sana magkasama sama na kami……sana malapit na……… sana bukas na.
"Paging all passenger of Emirates Flight EK 0333 please go on board......."
At ito na ang hudyat ng aking pagpapaalam at paglisan....
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.