TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Martes, Marso 30, 2010

Mga malarong kuwento ng kabataan ko..

Lumaki ako sa isang Lugar na halos lahat ng mga bata ay pinapayagang lumabas para magpapawis at maglaro, sa lugar na baduy ang mga batang natutulog sa tanghali at hindi lumalabas, sa lugar na Masaya at maingay, sa lugar na maraming tambay sa kanto at sa lugar merong samut saring pagkain na binebenta sa kalye.

Welcome sa San Isidro pob. Nabua Cam. Sur. Ang Lugar na tila isang paraiso para sa karamihan ng mga kabataang nakatira dito, dito makikita ang mga batang nag-aamoy aso at hikain sa walang sawang takbuhan at habulan, at isa ako sa kanila.

Mahilig ako maglaro, wala akong pinalampas sa lahat ng mga larong nauso sa lugar naming nung kabatan ko. Ito ang ilan sa mga naging pabotiro ko.

Teks – Hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko na unahin ang larong ito, dahil dito talaga ako naadik at nabaliw. Hindi ko alam kung bakit suwerte ako sa larong ito. Mas madalas ang panalo ko kesa sa talo. Dumami ng husto ang teks ko at umabot ito sa tatlo kahon ng size 10 na sapatos na kapag isinabog mo naman ay makakasya ito sa isang medium size na travelling bag. Siguro dahil na rin ito sa mahusay at kapitagpitagang pamato ko na pinamana pa sa akin ng nakatatandang pinsan na nag retiro na bilang manlalaro ng teks at napasama na sa mga hall of famer. Hindi ko makakalimutan ang pamatong ito dahil sabay kaming sumikat sa San Isidro. Ilang bata rin ang ngumalngal, napikon, sinipon at naubusan ng teks dahil dito. Ito ang pamatong #14 na anak ni Zuma naka drawing dito ang isang babae na nakaharap kay galema, kung ano ang pinag-uusapan nila ay di ko alam at hindi ko rin alam kung anong meron ang pelikulang karton na ito dahil parati siyang naiiba sa bawat bagsak nito sa lupa.

Marami akong batang nakatunggali sa larong ito, at sa bawat laro ibat ibang klase ng bata ang makakaharap mo. Isa na dito si Brando (hindi ko makakalimutan) ang batang sikat na manlalaro ng teks sa lugar naming at kinakatakutang makalaban ng karamihan ng kabataan. Siguro mga dalawang taon ang tanda niya sa akin, ok sana si Brando kung hindi pikon, salbahe at siraulo. Marami rin siyang teks at may mahusay na pamato na Rambu-to (naaalala nyo ba pa yung pinabidahang pelikula ni Palito nung 80’s? Yan yun!) Nagkaharap kami nung grade 1 ako, nagmistulang laban ni Manny Pacquiao at Oscar Dela Hoya ang naging labanan naming sa dami ng mag batang nanonood at kasama rin ang ilang matatanda na nakikiusyoso. Hindi pangkaraniwang laban ang nangyari sa amin ni Brando, isa itong laban na kung tawagin ay ‘malakasan’ dahil hindi isa dalawa tatlo cha ang naging tayaan kundi dangkalan at tumpukan.

Sa huli nagwagi rin ako gamit uli ang pamatong anak ni Zuma at umani ng respeto sa karamihan ng mga manlalaro ng teks. Pero nabanggit ko na pikon si brando. Ang huling dangkal ng teks na itinaya at naipatalo ay hindi niya ito binigay sa akin. Ibinato niya ito sa ere at nagmukhang confetti sa Makati sabay hamon na suntukan. Nagkagulo ang mga batang nanonood at nagmukha silang mga gremlins nabasa ng tubig habang nag-aagawan sa mga inihagis na teks. Hindi ako lumaban kay Brando, hindi dahil sa naduwag ako kundi dahil takot ako sa Tita ko.

Alam kong malilintikan ako kapag nalaman niyang nakipag away ako, patay! Luhod na naman sa mungo.

Di nagtagal iniwan di ako ng mabangis kong pamato dahil na rin siguro sa kalumaan. Minsan lumalanding pa ito sa kanal pero pinupunasan ko lang at pinapatuyo sa init ng araw. Mga tatlong araw rin yata akong hindi nakapag teks ng mga panahong iyon. Kaya naisipan kong magpa try out para sa bagong kong pamato! Naglaro kami ng pinsan ko ng teks sa garahe ng bahay nila gamit ang ibat ibang pamato, kung alin ang mga pamatong madalas manalo ay iniipon naming tapos sila uli ang paglalabanin naming, kung alin ang mananalo sa mga ito yun ang gagawin naming, best of bests. Dito naming napili ang pamatong ‘Puto’ ni Herbert Bautista. Ayos! Naisip naming ng pinsan ko na lumabas na at subukan kung uubra nga ang pamatong puto sa totoong mundo. Hindi naman kami nabigo. Mahusay din at nanalo ito. Pero hindi pa rin ito kayang tapatan ang galing ng dating pamato na anak ni Zuma. Parang mga basketball player din yan. Oo ngat mahusay talaga si Kobe Bryant pero iba pa rin si Michael Jordan. Chor!!!

Isang hapon pagkagaling ko sa eskwela, gumuho ang mundo sa aking mga paanan. Bakit kamo? Nalaman ko na itinapon pala na tita ko ang lahat ng mga teks ko. Bigla akong nahilo at parang masusuka, Sabi nya nakakaapekto na raw ito sa pag-aaral ko. Oo aminado ako, naapetuhan talaga ang mga grado ko pero bumaba lang ito ng kunti at di naman bumagsak. Bakit kailangang mangyari ang ganitong klase ng trahedya ? Para sa isang bata ang teks ay isang kayamanan na iniingatan at ipaglalaban ng patayan sa sinumang hangal na gustong kumuha o umangkin nito sa kanya. Yan ang tita ko! Parang siyang aso na palaging bagong panganak na matapang at nangangagat. Wala akong nagawa. Naalala ko pa dati kapag ginugupitan nya ako ng kuko habang natutulog, nagigising ako sa sakit pero hindi ako makadilat at makareklamo, ibang klase siya manggupit ng kuko, halos lumabas yung laman sa sobrang iksi na gagawin niyang gupit sa kuko mo. Kulang na lang gupitin nya yung buong daliri mo. Matagal din bago ko natanggap na wala ang mga teks minahal at pinaghirapan ko. Ayoko ng mga bagong teks na nabibili sa tindahan, hindi ko gusto itsura nila at hindi rin ito magandang gawing pamato. Iba talaga ang mga lumang teks na dumaan na sa kamay ng kung kani kaninong mga bata, iba ang texture nito at iba rin ang amoy. Mabango!

Taching – Ito ang pangalawa sa mga pabarito ko! Mga tautauhang goma o plastic na itataya mo sa iginuhit na parisukat sa lupa o kalsada. Simple lang ang larong ito, kailangan mo lang tirahin at palabasin sa parisukat ang mga tau-tauhan na nasa loob nito sa pamamagitan din ng isang pamato. Kung ano man ang mapalabas mo ay mapapasaiyo na. Astig ang pamato ko dati, Red 1 ng Bioman, ang ganda ng pakaka bukaka nya kaya lalo siyang lumapad. Binalutan ko rin si Red 1 ng mga alambre at nilagyan ng mga tumilyo sa mga braso at binti para naman talagang bumigat. Maraming akong napikong kalaban sa larong ito dati dahil kapag pinapasadsad ko na si Red 1 sa parisukat halos lumabas lahat ng mga nakataya dito.

Pero hindi tulad ng teks na suwertihan, ang taching ay nangangailan ng skills. Kailangan asintado ka, kailangan marunong ka mag blackmagic, kailangan malinaw ang mata mo at kailangan magaling kang tumacha. Dahil sa konting pagkakamali mo lang ay pwedeng maubos ang mga tautauhan mo. Minsan na rin akong inalat sa larong ito, talagang Ubos! Kahit isang espada ni Panday walang natira. Pero hindi pa diyan nagtapos ang laban. Rumesbak ako!

Bumalik ako sa labanan dala ang mga solid na gomang laruan na si Hulk Hogan at Ultimate Warrior na pinadala pa sa akin ng tito galing Saudi. May kalakihan ang mga ito at di hamak na mas mahal kumpara sa mga ordinaryong gomang laruan na tinataya sa taching. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung ano ang pumasok sa utak ko noon at itinaya ang mga ito. Halos lumuwa ang mga mata ng mga bata doon ng makita nila ang hawak ko. Ayos Naipatalo ko sila pareho. Umuwi ako ng luhaan at yung pangit na batang nakakuha nito ay hindi alam ang magiging reaksyon sa sobrang tuwa. Pakiramdam niya yata nanalo siya sa sweepstakes. Kaya pala yung mga taong adik sa casino, Kahit magbenta sila ng ari-arian ayos lang basta makabawi sa naipatalong pera.

Turumpo – Nakakalibang at Masaya rin ang larong ito. Iba iba ang laki ng turumpo at iba iba ang kulay, para sa akin astig ang pula na turumpo kasi matapang at palaban ang dating nito, parang palaging handang makipag basagan. Masasabi ko na medyo magaling ako dito. Magaling akong bumitaw ng chate at tantiyado ko kung saan patatamaan ang mga kalabang turumpo para lumabas sa bilog na ginuhit sa kalsada o sa lupa. Na mistulang ring ng mga wrestler ng wwe. Tulad ng taching kailangan mo rin ng hindi basta bastang talento dito, kailangan marunong kang magpaikot ng turumpo sa kamay o sa dila para irespeto ka mga batang nakalalaro mo. Nalaman ko rin na hindi pala epektibo ang turumpo na binabad sa suka. Sinabi ito sa akin ng isang tambay na mukhang adik pa yata. Para siyang isang ermetanyo sa bundok Tralala habang nagsasabing sa akin ng: pogi, ibabad mo sa suka ng dalawang araw ang turumpo mo, sa ganitong paraan hindi yan basta basta mababasag sa labanan (hinintay ko ring sabihin nya na hindi rin ako tatablan ng bala kapag uminom ako toyo sabay ituturo nya ang lugar kung saan makukuha ang Yamashita Treasure. Pero di nangyari!) Bilang tanga, sumunod ako sa mga salita ng ermetanyo este ng tambay pala. Binabad ko sa suka ng dalawang araw ang turumpo ko at pinatuyo ito ng isang araw. Sabay sugod sa laban. Hanep! Ang galing!! Maasim ang naging kapalaran ng turumpo ko. Nabiyak ito sa pangatlong konyat ng kalaban. Hindi kaya dapat sa arnibal ko ito ibinabad??

Saranggola – Ang tayog ng lipad ng saranggola ni pepe. Yan ang pangarap ko! Ang makapagpalipad ng matayog na saranggola yung tipong makikipag apir ito sa mga eroplanaong dadaan. Kaya nung bata ako minaster ko lahat ng klase ng paggawa ng saranggola. Nakagawa na ako ng mga saranggola yari sa diyaryo, papel de hapon, at mga saranggola na yari sa plastic ng palengke. Gumagawa rin ako ng mga fighter kites na ginagamitan ng pisi na binubugan at mga cute na sarangolang tulad ng mga hugis ibon, hugis bungo, hugis pumpkin at hugis ulo ng panda bear. Sa lugar naming dati isang buwan bago ang mahal na araw, naglipana ang mga saranggola sa himpapawid. Ang sarap tignan! Merong sobrang taas at parang tultok na lang. merong pa gewang gewang, merong sumasabit sa kable ng kuryente na ikakukuryente ng batang nagpapalipad nito at minsan kapag binibuwenas merong mga saranggola na eektad sa bubong ng bahay nyo (eto ang sarap) dati meron umektad na saranggola sa bubong ng kapitbahay naming. tutal wala naman masyadong nakakita, mabilis kong inakyat ang bakod nila na parang kasapi sa akyat bahay gang. Sa kamalasan sumabit yung kanang binti ko sa barb wire na nakalagay sa bakod. Magaling! Butas ang balat at sumirit ang dugo, kahit tatlong band aid ang tinapal ko, hindi pa rin kinaya. Sa ngayon isang alaala na lang ang kurikong na nasa kanang binti ko. I learned my lesson: Masamang umakyat sa bubong ng kapitbahay lalu na kung may barb wire.

Giyera- Ito ang lumang version na Airsoft. Hindi tulad ng mga war games sa ngayon na mga mp5, carbine, AK47, sniper at iba pang malalakas na pekeng baril ang gamit. Sa giyera ay tirador, sumpit, baril na de goma at kung walang wala ay bato ang ginagamit. Medyo magkakasakitan kayo dito pero ayos lang. sports lang dapat ang lahat. Astig ang sumpit ko dati dalawa ito na itinali ko ng goma, parang double baretta, at ang lalagyan ko ng munggo ay kahon ng posporo na binalutan ko ng itim na electrical tape para magmukhang magazine talaga. Isipin mo na lang kung gano katigas yon. Sabay sabay kayong susugod ng mga katropa mo sa mga kalabang tiga ibang kalye. Ang sarap ng pakiramdam kapag nakita mong yung sinumpit bata ay tinamaan ng munggo sa loob ng mata. Sabay titiradorin ka ng kakampi nya na ikabubukol mo naman. Rambulan talaga! Dati na bingo nanaman ako ng tita ko, misanng naubusan ako ng munggo, bigas galing sa bahay ang ginamit kong pambala. Nalaman nya! Yung dati katulong ng tita ko na may malaking bunganga ang nagbenta sa akin. Ako ang nasumpit ng tita ko!

Ilan lang yan sa mga paborito kong laro. Naglalaro rin ako ng jolens, yoyo, kalog, paluang kamay at mga larong nakaka hika tulad ng habulan, mataya-taya, agawang base, langit lupa, taguan, tumbang preso, luksong baka, luksong tinik, patintero, siyato, shake shake shampoo, monkey monkey anabel, mensan pati mga larong pambabae pinapatos ko na rin, lalu na kapag kulang sa player sila. Nasubukan ko na rin ang jackstone, piko, Chinese garter, bahay bahayan, pass the message at iba pa.


Hindi ako mahilig sa mga sosyal na laruan ng mga G.I . Joe, remote control car at mga robot na umiilaw yung dibdib habang naglalakad na pinadala sa akin ng tito ko galing sa ibang bansa tuwing pasko at birthday ko, minsan kahit walang okasyon nagpapadal parin siya. Ewan ko ba pero mabilis talaga ako magsawa sa mga ito. Kapag sawa na ako. Ang mga G.I. Joe ay pinahihiram ko na sa mga pinsan ko at kahit walang ng balikan ay ayos lang. (hindi ko alam kung ipinatalo na rin nila sa taching) yung mga remote control car at robot ko naman ay binabaklas ko kasi merong motor na nakukuha sa loob nito. Kinakabitan ko ito ng elesi at AA battery sabay ikakabit ko sa lumang suwelas ng tsinelas na tinusukan ng bandera para gawing motor boat at paaandarin sa mga kanal. Astig!!
 
Isa pa sa masarap sa lugar naming dati ay ang piyesta. Lahat ng tao Masaya at maraming pagkain sa bahay parang isang lingo pasko! Bukod diyan ay marami ring palaro tulad ng palo sebo, agawang buko, pukpok palayok, pa boksing, pasabit, pasayaw, pa raffle, pa bingo at marami pang iba. Dati napasubo ako sa boksing, nanonood lang ako nun kasama ang isang pinsan ng biglang may humirit. ‘Oh! Ayan pala si Aldrin eh’ suotan ng glabs yan! Nabigla ako at nataranta hindi na rin ako makaurong dahil alam kong habang buhay nila akong tatawaging CHICKEN!!! Kapag hindi ako lumaban. Nagulat ako pagpasok sa mini ring na ginawa para sa mga magtutunggali, nakita ko ang makakalaban ko, maitim ito at solid pagiging mukhang batang kalye. Sa tingin ko mas matanda ito sa akin at di hamak na mas matangkad. Itsura pa lang, mukhang pwedeng sumunod sa yapak ni Manny Pacquiao. Round 2 sabog at dugo kaagad ang ilong ko at inawat na kami ng referee. Pero ayos lang sa tingin ko naman nabigyan ko siya ng magandang laban kahit na ni isang gasgas wala akong nakita sa mukha nya.
 
Umuwi ako ng bahay kasama pa rin ang pinsan ko. Ayos ang nag welcome sa amin tita ko na nanonood ng Lovingly Yours Helen sat v. Nagulat siya ng makita nya ang lamog kong mukha at ang dala kong bimpo na merong dugo sabay tanong nang; Anong nangyari?!?! Hindi na san ako aamin at sasabihin na lang na nadapa. Pero ang magaling kong pinsan na sobrang matatakutin ang bumaliktad at umamin. Kitang kita ko ang paglabas ng ugat sa noo at pag usok ng ilong ng tita ko sabay labas ng bahay sugurin yung mga organizer ng boksing. Ayos na rin dahil nalaman ko na kahit ganun ang tita ko ay meron siyang malasakit sa akin at handa akong ipagtanggol sa mga taong umaagrabyado.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.