TISSUE
" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"
Martes, Marso 23, 2010
Salamat sa Shawarma (Baniyas East)
Galing ako sa labas ng accommodation namin, bumili ako ng shawarwa para sa meryenda. Beryernes ngayon day off namin, nababagot na kasi ako sa pakikinig ng mp3 at kakalaro ng Farmville sa facebook. Sa labas malamig na ang hangin, buti nalang nag soot ako ng sweter. Naupo ako sa mesa habang hinihintay maluto ang aking order na pagkain. Sa aking pagkakaupo nakaramdam ako ng kalungkutan, palibhasa kasi mag-isa lang ako. Nasanay na ang aking mga mata sa mga pakistani, lokal, hindi at kung ano-ano pang ibang lahi na labas masok sa kainan isama mo na diyan ang kanilang pagkakahawig sa amoy. Ang amoy anghit ng isang tao na hindi naliligo ng tatlong buwan. “sadik!”, sabi ng tendero, wow luto na ang shawarma hehe medyo gutom nadin ako. Konti lang kasi ang aking kinain kaninang tanghali, galing sa tirang ulam dalawang araw ko nang iniinit. Habang kumakain ako, damang dama ko ang kakulangan. Yung pakiramdam na mag-isa lang ako sa gitna ng karamihan ay nakakalungkot na katotohanan. Bakit nga ba kelangan pang magyari ito sa akin. Bakit kelangan pa ng magtrabaho malayo ? Alam ko ang sagot sa tanong na ito, pero hindi matanggap ng sarili ko. Siguro kung pwede lang maglumpasay sa kinauupuan ko ginawa ko na. Ang dami kung iniisip, pati Diyos binibigyan ko na ng homework nya para sagutin ang mga tanong ko. Mag dadalawangtaong na ako dito at medyo matagal tagal nadin ang aking pagtiis. Kung titignan ko naman ang aking sahod maliit. Pero okey lang kesa magtambay ako sa Bicol. Hindi ko sinasabi sa nanay ko ang lahat ng nangyayari sa akin dito, baka lalo lang siyang mag-alala sa akin. Kaya pag nag-chat kami sa internet, laging sagot ko sa tanong nya, “Okey naman po ako, tumataba nga eh.” Minsan pintawag ako ng Boss namin, sabi ililipat nya na daw ako sa kabilang project. Sa harap nya sinabi ko na ayoko sa kabilang project kung gusto mo ttanggalin muna lang ako. “Ya Malaka Ray!”. “Ray, if i give you vacation, would you change your mind?” tanong nya sa akin. “I don’t know, maybe I would not comeback if you give me vacation”. Don’t worry “sabi nya” your salary will increase, I know its not easy to find job in the Phillipines, “dagdag pa nya” wow, tama ang sinabi nya, at alam ang dilemma ng mga Pinoy. Pero buo na pasya ko sinabi ko na wala naman ako maitutulong sa kumpanyang ito. Hindi naman ako Engineer. Isa lang naman akong Asst. Document Controller. Di ko alam kung ano ang nagustuhan nya sa akin. Hindi nya tinapos ang usapan namin, pag-isipan ko daw ng husto. Bilang pang huling salita tinanong nya ako. “what are the things that will make you change your mind?” sabi ko “nothing” sabay labas ako. Pagbalik ko sa opisina. tinanong ako ni Mhel. Kung ano daw ang pinag-usapan namin. At sinabi ko rin sa kanya na ayoko na. at sabi nya sa akin “Drin, kasama mo naman ako lilipat ah. Parang hindi tayo lagi magkasama dito, Saka anong gagawin mo doon? Tambay! Sige na Amigo amo.” “Sadik! Salah!” ang sabi ng tendero, pinalabas na ako kasi magsasara sila para sa kanilang dasal. Buti na lang naubos ko na ang aking kinain. Habang pauwi ako sa aming accommodation, dinig ko ang malakas na sigaw nila para sa pagdadasal. Bawat street kasi dito may mosque at lahat ng mosque may malalaking speaker para madinig ng lahat ang tawag sa “Salah.” Minsan nakakatulig na ang mga hiyaw sa tawag ng “Salah” para kasing laging Semana Santa dito, tunog kasi ng PABASA ang kanilang dasal. Napaka gandang praktis ang kanilang dasal. Hindi ko lang alam kung taos puso ang kanilang pagdarasal. Kelangan pa kasi nilang maghugas ng paa, kamay at ulo bago magdasal, at limang beses sa isang araw ang kanilang “Salah”. Naisip ko bakit kaya ang mga katoliko hindi gayahin ang ganitong Gawain. Ewan ko, pero para akong naiingit sa kanila kapag nagdarasal sila. Siguro na mimiss ko lang ang magsimba araw-araw, dito bihira kasi ako magsimba at malayo ang accommodation namin Ang rosary ko nga bihira ko nang nagagamit. Di tulad sa Bicol na malapit lang ang bahay namin sa simbahan. Meron din akong book of qur’an binigay ito ng isang katarabaho ko, basahin ko daw. Minsan kong binasa ng pahapyaw ang libro nila, pero tinamad akong ituloy. Hindi ko kasi nagustuhan ang mga nakasulat doon. Naisip ko, ano nga ba misyon ko lagar na ito? Kasi kung pera lang ang dahilan malamang hindi ako tagumpay. Wala rin akong ipon. Mahirap pa din ang buhay. Iyan ang katotohanan. Siguro isang karanasan lang nais iparating sa akin ng Diyos. Makilala ang ibat ibang katotohanan sa loob ng kahirapan bilang OFW. Makita ang mga sekreto at kahinaan ng mga kapwa ko Kristyano sa gitnang silangan. Na di siya kinikilalang Diyos. At maihambing ang Muslim at Katoliko, ang Islam at Kristiyanismo. Lahat ng ito ay siguro lang walang katiyakan. Kung ano ano man iyon, sana ay aking Makita at malaman.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.