TISSUE
" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"
Martes, Hulyo 6, 2010
Ano ba ang kaibahan ng blog mo???
Isang araw biglang may nagtanong sa akin “Ano ba ang kaibahan ng blog mo sa blog ng ibang blogger?”. Uhmmmm napaisip ako ng konti at ginamit ang natitira pang 3MB ng utak ko.
Aamin ko nagsusulat ako hindi para lang sa sarili ko kundi para rin sa mga nagbabasa ng blog ko. Masarap magkwento ng karanasan ko sa buhay pero mas gusto kong ibahagi ang mga natutunan ko sa buhay sa aking mambabasa. Naniniwala ako na mula sa mga ideya, opinyon at kuro-kuro ng ibang tao mas marami ako natutunan sa buhay. Mahilig akong makipagkwentuhan sa ibang tao dahil marami akong nalalaman mula sa karanasan nila. At tulad ng mga aral na nakuha ko mula sa kanila, nais ko rin itong ibahagi sa ibang tao.
Naniniwala ako na ang tunay na kaalaman sa buhay ay hindi matatagpuan sa libro o eswelahan, kundi nasa ating mga karanasan at napagdaanan sa buhay.
Bakit puro kalokohan at kagaguhan ang blog ko?Dahil ito ang pinakamabisang paraan para makakuha ng atensyon ng ibang tao, pero sinusigurado ko na sa bawat halakhak o tawa na maari kong maibigay sa mambabasa ay ang mga butil ng aking kaisipan at pag-asa para sa kanila.
Nagsimula akong magsulat ng mga seryosong mga sulatin at ang iba naman ay tungkol sa relihiyon. Subalit nakakalungkot isipin na iilan lamang ang may ganang bumasa nito. Siguro nga may mga bagay na mahirap kasing tanggapin lalo na kung ibibigay sa iyo ito sa isang seryosong paraan. Ang paglalagay ng humor sa bawat sulatin ang nagbigay sa akin ng magandang paraan para maging kumportable ang bawat mambabasa at matanggap ang mga maliit na butil ng aral na natutunan ko sa buhay. Kung hindi man ako nakapagbigay ng inspirasyon, masaya na rin ako na kahit sa impit na halakhak at ngiti napagaan ko ang kanilang kalooban.
Karamihan sa mga blog ngayon ay mga diary-type o journal type ng blog. Pagkukuwento ng bagong pangyayari sa kanilang buhay. Sa akin karamihan sa aking mga post ko ay ang mga karanasan ko noon pa. Binabalikan ko kasi sa aking memorya ,ang mga karanasan kong nagbigay sa akin ng aral sa buhay. Ito ang mga bagay na gusto kong ibahagi sa iba na baka pwedeng kapulutan din ng aral.
Madalas din akong magbigay ng kwento na may kaugnayan sa sosyal at polikal na aspeto ng ating bansa. Pagpapahayag ng aking sariling opinyon na baka makatulong para mapansin natin ang ating kapaligiran at mabigyan tayo ng ibang pagtingin tungkol sa mga bagay bagay.
Ako, hindi ko hangad maging sikat, Hindi ko nais na ako mismo ang mabigyan ng atensyon kundi sana ang aking mga naisulat. Hindi ko rin hangad ang napakaraming komento, dahil kung iyun lang ang nais ko eh di sana nang-away na lang ako ng ibang blogger o di kaya gumawa ng mga topic na gusto ng nakararami tulad ng pag-usapan ang buhay ng ibang tao o usaping may temang sekswal. Kung mapapansin nyo halos puro karanasan ko ang aking mga sinusulat. Ang nais ko lang kasi ay magbahagi ng aking mga natutunan sa buhay dahil baka sakaling makatulong ako sa iba. Hangad ko lang na sa munting kaparaanan, makapagbigay ako ng kahit konting inspirasyon sa ibang tao. Sapat na sa akin yion.
Hindi ako napapagod sa pagsusulat dahil bawat gabing lumilipas sa buhay ko ay panibagong aral na natutunanan ko. At ang bawat araw na dumarating sa akin at panibagong pag-asa na pwede kong ibahagi sa iba.
Kapag tayo ay namatay, hindi naman sasabihin ng mga tao “Naku magaling na tao yan o mayaman na tao yan” . Hindi nila titingnan ang mga nakuha mo sa buhay . Mas tinitingnan nila kung anong klaseng tao ka o kung ano ang naibahagi mo sa iba. Iyon ang maiiwan sa kanila at iyon ang lagi nilang maalala.
Tulad din sa pagharap natin sa Dyos, tyak hindi naman Nya tatanunging kung gaanong karami ang kayamanan mo o gaano ka kasikat o kung gaano kalawak ang talino mo?Bagkus mas nais malaman kung “GAANO BA KARAMING TAO ANG NATULUNGAN MO AT NABIGYAN MO NG INSPIRASYON?”
Sana naipaliwag kong mahusay kung ano ang layunin ng blog ko o kung ano ang kaibahan ko sa iba. At para sa inyong lahat na sumusubaysay at bumabasa ng mga sulatin ko.
MARAMING MARAMING SALAMAT
Ikaw tatanungin kita ano ang kaibahan ng blog mo sa ibang blog?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.