TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Linggo, Hulyo 4, 2010

Pangarap sa Bayan

PANGARAP - ang kaisa-isang bagay na sigurado akong LIBRE! Mangarap ka lang, wag kang mag-alala hindi ito utang at wala ka talagang babayaran.

Marami akong pangarap sa buhay. Sa sobrang dami, nangangamba akong hindi lahat magkasya sa natitira pang 4MB ng utak ko. Minsan hindi lahat ng pangarap natin sa buhay ay makukuha natin, at minsan kailangan nating isaisantabi muna ang mga pansariling kaligayahan para sa PANGARAP SA BAYAN!

Ano nga ba ang mga pangarap ko sa bayan? Simple lang naman. Ang maging isa ang Pilipinas magdikit dikit lahat ng isla para di na kailangan magbarko at eroplano. Lahat ng bagay magagawa at magiging posible kung nagkakaisa tayo. Walang talo-talo, KAPAYAPAAN lang ang iiral.

Gusto kong mawala ang trapiko sa Pinas, magkaroon ng mga kotseng lumilipad para wala ng male-late sa trabaho at maging mas mabilis ang pagpunta sa iba't ibang lugar. Wala ng late sa mga date, meeting at kung ano ano pang mga importanteng bagay lalo na ang pag-rescue sa mga nangangailangan.

Magkaroon ng super vacuum cleaner para wala ng basura, kapag nawala ang basura -- sigurado wala na ding baha at hindi na mauulit muli ang nangyari sa Ondoy na alam naman nating isa ang basura sa naging dahilan nito. Bukod dito, ang sarap pagmasdan ng isang bayang walang basura isama mo na din ang mga basurang pulitiko. Malinis na kapaligiran, malulusog na mamamayan.

Gusto ko din magkaroon ng mga pagkaing de kapsula pero 1 full meal ang katumbas na puno ng lahat ng bitaminang kailangan, kapag naimbento to! sigurado wala ng magugutom. Wala ng magkakasakit at mamamatay dahil sa gutom. Wala ng malnourished at under nourished na mga bata. Wala ng pamilyang malulungkot sa pagkawala ng mga mahal nila sa buhay.


Korapsyon? Oo! ito ang isa sa pinakamalaki at pangunahing problema natin. Pangarap ko kay presidente noynoy, para makasigurado, lagyan natin sa leeg na awtomatikong gadget na sasabog kapag naramdaman nito na corrupt ang nakaupo sa pwesto. Sa ganitong paraan, matatakot na silang magnakaw! Mas maiintindi na ng pamahalaan ang lahat ng suliranin ng bansa.

Gusto ko din magkaroon ng mga building na pwedeng tiklopin. Para kung saka-sakaling kailangan ng matitirhan ng mga tao sa ibang lugar sa Pilipinas, titiklupin lang ang ibang building at dadalhin sa lugar na mas kailangan ito. Libreng mga pabahay din ay isa sa mga pangarap ko, mga bahay na pwede ding tiklupin pero napakatibay at madaling gawin. Maraming bahay equals masayang pamilya at wala ng mga skwater!

Sana meron din tayong super shield na panlaban natin sa mga bagyo at iba pang kalamidad galing sa langit. Kapag na-sense na ng super shield na lampas sa pangkaraniwang lakas ng hangin at ulan ang paparating, awtomatiko itong babalot sa Pilipinas at iko-kontrol ang lakas ng ulan at hangin. Sa ganitong paraan, wala ng masasalanta ng bagyo at masasayang na mga buhay. Pwede din natin ikontrol kung kailan natin gustong umulan at umaraw. Pwede din tayong mag-request sa super shield ng snow kapag malapit na ang christmas. Masaya yun diba?! :)

Sana magkaroon din ng mga libreng paaralan na magtuturo ng mga kapaki-pakinabang na kaalaman sa mga istudyante. Mga paaralang naglalaman ng magagaling at mga propesyunal na guro. Tuturuan silang mag-imbento ng mga gamit na makakatulong sa pagsasaka, pangingisda at paghahalaman at paghahayupan. Di na tayo mauubusan ng pagkain. Dadami ang propesyunal sa bayan. Wala ng mga mangmang. Wala ng ilitirate. Mas maraming propesyunal, mas maunlad na bayan.

Gusto ko din ng mga super cops. Mga pulis na hindi napapagod at hindi tamad. Mabilis umaksyon sa mga kaguluhan. Mga pulis na hindi lumalaki ang tiyan at hindi marunong mangotong. Oras na mangotong, tulad ng presidente, may gadget sila sa leeg para sumakal sa leeg nila oras na mangotong sila. Mangongotong ka pa ba kapag sinakal ka ng sarili mong kasalanan? syempre hindi na. Mas mahuhusay na pulis, mas ligtas na paligid at wala ng kriminal.

Para naman sa problema sa droga. Mayroong libo libong inbisible smart dog na gumagala sa buong pilipinas. Oras na may maamoy na droga, mabilis itong magpapadala ng mensahe sa kinauukulan. Timbog lahat ng Drug Lords! Walang droga, walang mga pariwarang kabataan.

Mas maraming trabaho. Kusa itong lalabas kapag natupad lahat ng nasa itaas. Pag-unlad ng Pilipinas? Kusa itong dadating kapag umiral ang pagkakaisa at pagsisikap ng bawat isa na mangyari lahat ng pangarap natin sa bayan.

Ang dami ko palang pangarap sa Pilipinas. Ang totoo isa lang naman talaga. Ang matupad lahat ang pinakapunto ng mga pangarap kong ito.

Buti LIBRE LANG MANGARAP!

Ikaw may pangarap ka din ba para sa Bayan?! Kung meron - ipahayag na! Pumasok ka sa aking munting kwarto....

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.