Medyo maganda ang aking pagkabata, dahil 15 anyos na ako eh pakiramdam ko bata pa rin ako. Madalas pinagpapalit ko ang mga kaibigan noon kay Doraemon, Blue Blink, Zenki at Mojacko. Nakikipag-away pa ako sa pinsan kong 9 na taon, kasi ginugulangan pa nya ako sa teks (sa tanda ko na yun ginugulangan pa nya ako). Nakikipagpagbubugan pa rin ako sa mga kalaro ko.
okay back tayo sa pagkabata ko, alam nya ba dati mayroon akong isang box ng sapatos na teks, isang supot na holen, 8 gagambang panabong, dalawang trumpo, gabrasong goma at kung ano ano pang laruan.
Madalas din akong mamulot ng balat ng sigarilyo dahil napingot na ako ng nanay noong minsang nagtatsing ako ng totoong pera. Dahil nga ang pera - pera, yung balat ng sigarilyo na lang ang ginagawa naming taya. Heto pa nga yung denomination noon eh:
Evergreen - 5 pesos, Camel/Hope - 10 pesos, Marlboro - 50 pesos at Phillip - 100 peso
madalas amoy araw ako at mukhang pabrika ng kuto ang ulo ko, kasi nga masarap maglaro ng ipunang langgam, moro-moro, putbal at patinteto. tuwing gabi naman naglalaro ako ng taguang pong, piko, hali-halimawan at taguang singsing. Kapag medyo nagkakapikunan na, may laro rin kaming.....Paduguan ng nguso, sabugan ng ilong at pilipitin ang ngala-ngala ng kalaban.
Madalas din kami pumunta sa bukid ng mga kalaro ko dahil may malaking taniman ng mangga, santol, bayabas, duhat at kaymito. aakyatin namin bawat puno at manginginain kami na parang mga unggoy, at kapag nakarami na, doon din kami....tenen....tumatae. Ang saya kaya kapag nakikita mong nahuhulog ang tae mo sa lupa tapos imbes maghugas ng tubig dahon na lang ng bayabas, sing linis ngunit hindi sing mahal! Malas mo lang kung may pulang langgam ang dahon na nakuha mo, kikimbot ang puwet mo sa kati at sakit. Minsan naman pag may sumasama pang tae sa kamay, pinapahid na lang namin sa puno saka nagdodrowing kami ng aso (how gross namen!!)
Tuwing umulan naman, tuwang-tuwa ako! baket? eh kasi pwede na kaming mamingwit ng palaka. Una muna naming ihahanda ang bulateng gagamitin naming pain. Madalas kaming nakakakita ng matatabang bulate sa likod ng babuyan. Syempre atraksyon kaya sa mga bulate ang masasarap na tae ng baboy. Kaya hayun nga, matapos maihanda ang pain, diretso na kami sa bukid at mamimingwit na kami ng palaka.
Kaso nagkaroon ako ng pobia, nung minsan namimingwit ako sa may bukid (kumakanta pa nga ako ng "alin-alin, alin ang naiba" ng Batibot) biglang may kumagat sa pain ko. Tuwang tuwa ako dahil mukhang malaking palaka ang mahuhuli ko, paghatak ko ng patpat at dadakmain ko na ng kamay ko.....nagulat ako isa pa lang ubod ng laking BUBULE ang kumagat ng pain ko (kumindat pa sya sa akin). Nagtatakbo ako sa takot kaya mula noon ayaw ko ng mamingwit ng palaka. Kumakain na lang ako ng Adobong palaka, sinampalukang palaka at crispy palaka.
Madalas namin laruin ang syato, at madalas ako atchoy a taga sigaw ng SIIIIYYYYAAAATTOOOOOO!!! Tapos madalas din akong maglaro ng putik, mula sa NUNO sa PUNSO (o bahay ng anay). Masarap kayang gumawa ng kotse-kotsehan, truck saka refrigerator mula sa putik, kapag medyo sawa na kami dyan, maglalaro na kami ng bangka - bangkaan sa may pusalian. Ihip doon, ihip dito, misan sa pag - ihip ko nahalikan ko na pala yung pusaling kulay black YUCKKKK talaga, dahil may kasama pang tae ni aling Edad yun.
madalas din akong bumili noon ng krispap na may kasamang sunda-sundaluhan at mga superheroes. Kahit magkada ubos ubos ang baon ko, magkasakit sa BATO at tiisin ang lasa ng krispap na lasang gaas, okay lang! kailangan kayanin kasi gagawin ko taya sa tatsing namin mamaya.
Halos mabulok naman ang ipin ko sa kakain ng CHOKOBOT, o yung choknat na may litrato ng TRANSFORMER sa balat. Kapag kasi nabuo ang A_Z sa likod ng balat ng CHOKOBOT, makakakuha ka ng TRANSFORMER ROBOT, eh adik na adik ako sa palabas na yun (okay na yun kesa naman rugby o katol). Kaya naman ubos din ang baon ko doon. Sa huli hindi ko nabuo ang alphabet na yun kasi puro letter A ang nakukuha ko. Punjemas na yan. Pero yung kapitbahay namin meron na syang OPTIMUS PRIME. Kaya naman halos mamatay ako sa inggit sa kanya. Kinakaibigan ko nga sya eh kahit pa bulok bulok ang ipin nya saka amoy bulok na sibuyas ang hininga nya tinitiis ko malaro ko lang ang TRANSFORMER ROBOT nya. Pero sa huli puro yung ROBOT nyang walang kamay at ulo ang pinahihiram nya sa akin. Letche sya!!
prrrrrtttttttttttt.............(okay tama na yan)
Ang dami ko pang kwento tungkol dyan pero sa susunod na lang uli ako magkwekwento, alam nyo minsan masarap maging bata uli, bakit? Kasi kung bata ka, kapag may nanakit sa iyo, pagkalipas ng ilang araw, BATI na uli kayo. Kapag nasugatan ka at sinabi ng nanay mo na "gagaling din yan anak", titigil ka na sa pag-iyak at makakalimutan mo na lang na masakit pala ang sugat mo. Pero bakit kung kailang na tayo lumaki saka pa nagiging kuplikado ang lahat.
bakit nga ba hirap magpatawad at ang hirap kalimutan ang sakit? Bakit nga ba?
Sana bata na lang tayo..........
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.