TISSUE

" Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo"

Miyerkules, Hulyo 14, 2010

STANDARD ELECTRIC FAN


Hindi usaping bentelidor ito! Trip ko lang na ganun ang title, pero usaping “standard” pa rin naman ang pag-uusapan natin.

Gusto ko lang i-expound (naks!) yung naisulat ko about “setting standards” (paki-refresh lang ang RAM ng inyong utak)


heto ang sinabi ko:

Huwag kang maglagay ng panuntunan (standards) sa iba, lalo’t hindi mo alam kung naabot mo ang panuntunan ng ibang tao sa iyo


Medyo bibigyan ko kayo muna ng mga senaryo tungkol dyan!

SENARYO No. 1


Naalala ko nung college pa ako, sumali yung ka-section ko sa “Miss U-Bet” (beauty contest sa loob ng school namin). Syempre mandatory na suportahan ang kaklase namin na iyon. Kaya naman todo “cheer” ang ginawa namin para sa Audience Impact daw (at dahil may plus 5 sa exam!).


Medyo nauuhaw ako noon kaya bumili ako ng samalamig sa labas. At pagbalik ko, nakita ko ang kaklase naming nasa entablado. Nang biglang may malakas na usapan ng dalawang babae sa gilid ko:

Babae1: Hoy!!Tingnan mo naman yung Contestant No2 (ito yung kaklase ko), paanong napasama dyan eh napakapanget naman!


Babae2: Oo nga, eh kay panget panget sumali pa, eh mukhang nagbebenta ng turon sa kanto! Hahaha (sabay tawa na kita ang mga utak)


Hindi na ako kumibo noong mga panahon na iyon, dahil nung makita ko ang pagmumukha ng dalawang babae yon, gustong gusto ko silang regaluhan ng ubod laking “salamin”.
.
Ako ang napahiya sa mga sinasabi nila at tyak kapag sumagot ako ng "Ate wala bang salamin sa inyo?" malamang mag-asawang (na may anak pa) na sampal ang aabutin ko sa kanila .Hehehe!
.
Kaya hindi na ako kumibo at inubos ko na lang ang samalamig na lasang tubig lang na may asukal (sabi ng tindera pineapple juice daw yun)

SENARYO No. 2


Nung minsan namang bumili ako ng suka sa tindahan malapit sa amin, may grupo ng mga kalalakihang nag-iinuman. Niyaya ako, pero di naman ako sumama dahil iniintay ng nanay ko ang suka para gawing sawsawan ng kanyang paboritong chitcharon na tig-pipiso. Habang nag-aantay ako ng sukang binili ko, narito ang usapan ng mga kalakihan doon


Note: Pinag-uusapan nila ang tipo nilang babae


Lalaki1: Alam nyo mga pare ang gusto ko sa mga babae maganda ang ngipin.Kapag pustiso ang ngipin nya, wala OLATS na yun!


(nung tiningnan ko sino nagsasalita, nakita ko puro bulok naman ang ngipin nya at manilaw nilaw pa)


Lalaki2: Ako naman pare gusto ko sa babae, yung seksi at malaki ang suso!!

(nung tiningnan ko naman kung sino ang nagsabi nun, napahiya ako sa laki ng tiyan nya na parang nakalulon ng bola ng volleyball at may peklat pa sya sa mukha)


Lalaki3: Ako naman gusto ko yung babaeng mayaman, kahit hindi na seksi at maganda

(galing naman yan sa dakilang tambay sa kanto namin!Nagfufull time syang tambay at nagpapart time palamunin)


Napakamot na lang ako sa ulo, nung marinig ko yung mg tipo nilang mga babae. Napailing na naman ako na may tunog pang TSIK..TSIK (yung sa butike) nung makita ko naman kung kanino nanggagaling yung matataas na standards na iyon!


Naisip ko, buti na lang kay tataas ng mga standards nila sa babae dahil sigurado ako na ang mga babaeng gusto nila ay ang mga babae ding tyak HINDI sila magugustuhan.


SENARYO NO3


Noong nagbakasyon ako nanood ako ng isang “Amateur Singing Contest” magfifiesta sa amin.Kaya naman pumwesto ako malapit sa entablado. At nakatabi ko si Aling Lalen. Kung di nyo naitatanong si Aling Lalen ang dakilang tsismosa sa amin. Madalas tuwing nagsisimba kami, halos mabingi kami sa lakas ng boses nya pag kumakanta. At parang kampanang nilalagare ang boses sa sobrang sintunado.

Basta pasikat yan pag kumakanta sa simbahan, at halos lahat ng nakakatabi nya nakatakip ang tenga at nakangiwi. (akala mo may miting de avanse ng mga palaka, kapag kumakanta si Aling Lalen)


Habang kumakanta ang isang Contestant sa entablado, biglang sumigaw si Aling Lalen


Aling Lalen: Boooooooo!!! Sintunado ka, bikaka ang boses mo! (halos maputol ang litid ng leeg nya kakasigaw, at muntik na nyang batuhin ng bote ng mineral water ang contestant sa sobrang apekted!!)


Ako: huh? (kamusta naman yun!)


Wala sigurong tenga itong si Aling Lalen! Kung meron man hindi kaya galon galong ng tutuli ang meron sa tenga nya para hindi marinig ang boses nya sa simbahan . Ngayon naman nag-aala SIMON COWELL sya sa sobrang gigil sa contestant!
_______________


Gusto ko sanang bigyan pa kayo ng marami pang senaryo pero palagay ko sapat nay an para maintindihan nyo yung punto ko.


Hindi masamang magset tayo ng mga standards para sa ibang tao, pero siguraduhin na maging tayo ay pasok sa mga standards natin. Katulad nung mga babae sa Senaryo No.1, mas malinaw ang mata nila sa ibang tao samantalang bulag naman sila sa kanilang mga sarili. Madalas nakikita natin ang kapangitan ng iba, kaysa sa kapangitan natin. Subukan mong ibalik sa kanila ang panghuhusga magagalit naman sila. Minsan kasi madali tayong manghusga pero nahihirapan naman tayong tanggapin ang panghuhusga ng ibang tao sa atin.


Sa SENARYO No.2, madalas nagseset tayo ng mga standards sa gusto nating makasama sa buhay. Kumbaga may mga ideal man o woman tayo . Wala namang masama din doon, pero isipin muna natin kung gusto natin ng ganitong ugali dapat tayo rin ganun. Kung may ideal man o woman tayo, dapat “ideal man/woman” din tayo para sa kanya. Suriin ang kapasidad at ating mga ugali bago tayo maghanap sa ibang tao. Tingnan natin kung pareho ba tayong makikinabang o baka tayo lang ang makikinabang. Subukan muna nating i-assess ang ating sarili bago gumawa ng mga panuntunan o standards sa iba. Kung kaabot abot ba ito o masyado tayong nagseset ng mataas ng standards na maging tayo at hindi natin kayang abutin


Sa Senaryo 3, madalas kung sino pa ang walang karapatang magbigay ng “judgment” ay sila pa yung malakas manlait. Kumbaga paano ka papaniwalaan ng ibang tao kung wala ka namang kredibiladad sa mga sinasabi mo. Kung nais mo na “perfection”, dapat maging perfect ka muna sa lahat ng gingawa mo. Ikaw muna ang mag set ng standards para sa sarili mo, at abutin mo muna yun bago mo iaaplay sa ibang tao.


Tandaan natin, walang masama sa pagseset ng standards, pero dapat attainable ito at maging tayo ay kaya nating abutin ito. Walang masama sa paglalagay ng panuntunan o magbibigay ng intelehenteng opinyon tungkol sa isang tao, pero dapat may kredibilidad tayo at responsable tayo sa sasabihin natin.
Kung marunong kang humusga, matuto ka ring tumanggap ng panghuhusga! Sabi nga sa bibliya at sabi ng iba:


“Kung ano ang takalang ginamit mo sa iyong kapwa ay syang din takalang gagamitin sa iyo”.

Sana matutong nating gamitin ang takalang ito. Tingnan ang mga bagay na kaya nating ibigay at saka na lang isipin ang mga bagay na pwede nating tanggapin. Magbigay muna tayo bago tumanggap!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Tandaan: Ang mga kasapi lamang ng blog na ito ang maaaring mag-post ng komento.